MINSAN, nakatanggap ng mga radio signal ang isang telescope sa Puerto Rico na pinamamahalaan ng Search for Extraterrestrial Intelligence Institute (SETI), isang pribadong organisasyon ng mga astronomer na nagsasaliksik hinggil sa mga nilalang na posibleng namumuhay o naninirahan sa ibang bahagi ng universe.
Ayon umano sa isang ulat ng New Scientist Magazine, tatlong beses na tumanggap ng kakaibang mga radio signal ang naturang telescope bagaman hindi binanggit kung kailan ito naganap. Nagmula umano ang mga signal mula sa isang bahagi ng kalawakan na napapagitnaan ng dalawang grupo ng mga bituin na tinatawag na Pisces at Aries constellation.
Maaari naman daw na ang naturang radio signal ay bunga lang ng ilang di-matukoy na mga naunang kaganapan sa kalawakan (astronomical phenomenon) o isang epekto lang ng prosesong ginagawa ng naturang telescope.
Ayon sa American scientist na sina Prof. Christopher Rose ng Rutgers University sa New Jersey, maaaring mas epektibo kung magsusulatan ang tao at ang mga Alien. Ang radio signal daw kasi ay humihina at bumubuhaghag habang papalayo nang papalayo mula sa pinagmulan nito. Katulad aniya ito ng liwanag mula sa flashlight o laser beam na meron ding hangganan. Nawawala na sa dulo o sa pinakamalayong bagay na maaabot nito. Kaya nga mas makakabuti raw na ang anumang mensaheng ipapadala ng daigdig ay isulat na lang sa papel o anumang bagay na maaaring ipalutang sa kalawakan hanggang sa matanggap ito ng sinumang nilalang sa ibang planeta. Posible rin naman kasi na, sakaling nakikipagtalastasan na rin sa tao dito sa daigdig ang mga Alien, maaaring nakasulat din ito sa isang bagay gaya halimbawa sa asteroid o sa loob ng anumang sasakyang pangkalawakan.