MULA nang mangyari ang paghabol kay Jo ng mga motawa at niligtas siya ni Manong Wen ay lalo pa silang naging magkaibigan. Sumaludo siya rito. Lahat nang payo nito ay kanyang sinunod. Nagkaroon na siya ng takot kaya naipangakong pakikinggan ang lahat nang sasabihin ni Manong Wen.
Hanggang sa magpasya nga si Manong Wen na tapusin na ang kontrata. Umuwi na ito. Wala siyang kaalam-alam na may nangyayari na pala sa pamilya nito kaya ipinasyang tapusin ang kontrata. Hindi kasi ugali ni Manong Wen na magtapat ng problema. Mahilig siyang tumulong sa mga may problema pero ayaw naman niyang i-share ang dinadala. Naglihim sa kanya si Manong Wen.
Mula nang umuwi si Manong Wen sa Pinas ay nanibago si Jo. Wala na siyang pinagkukuwentuhan ng problema. Wala nang mabait na tao na anuman ang ilapit na problema ay pipiliting ihanap ng solusyon. Wala nang katulad ni Manong Wen. Ang mga nakasalamuha niyang kasamahan sa Saudi ay walang makakapantay kay Manong Wen.
Muli ay sinisi niya ang sarili kung bakit hindi man lang nadalaw sa Socorro si Manong Wen. Maraming beses siyang umuwi para magbakasyon at kahit isang beses ay hindi niya nadalaw. May problema kasi siya noon. Malaking problema. Iyon ang dahilan kaya hindi niya nadalaw ang kaibigan.
Kaya ngayon, para maka bayad sa mga utang na loob kay Manong Wen, binuhusan niya ng tulong ang mga anak nitong sina Princess at Precious. Hindi niya pababayaan ang magkapatid.
MAKALIPAS ang ilang buwan, ipinasya ni Jo na dalawin ang magkapatid sa Socorro. Gusto niyang malaman kung ano ang buhay ng dalawa.
Nagulat si Jo nang malamang nag-aaral na uli si Princess. Tuwang-tuwa siya.
“Kumusta ang pag-aaral mo, Princess?’’
“Mabuti naman po, Mang Jo. Salamat po at dumalaw ka. Akala ko, hindi ka na pupunta rito.”
(Itutuloy)