Manong Wen (26)

KUWENTO ni Manong Wen, binuhusan niya ng mantika ang suwelo at nagprito siya ng maangot na tuyo. Iyon ang nagligtas sa kanya. Hindi na raw pumasok sa kusina ang mga pulis at iba pang motawa sapagkat sobrang baho ng pinipritong tuyo. Bulok na raw ang tuyo na binili pa niya sa Batha noon pang isang taon. Halos mapuno ng amoy tuyo ang buong kusina.

Mayroon daw isang motawa na nagtangkang pumasok sa kusina pero nakakailang hakbang pa lang daw ay nadulas na ito. Hindi raw halos makatayo ang motawa sapagkat nadudulas. Gumapang daw ito palabas ng kusina.

Natatandaan ni Jo, tawa nang tawa si Manong Wen habang ikinukuwento ang nadulas na motawa. Ka­nina raw ay gusto na niyang mapabunghalit ng tawa pero pinigil lang niya at baka makahalata ay kung ano ang gawin.

“Ang mantika at bulok na tuyo ang nagligtas sa iyo, Jo,” sabi ni Manong Wen.

Ganun na lamang ang pasa­salamat niya kay Manong Wen. Iniligtas na naman siya nito.

“Sana huwag mo nang gawin iyon. Kahit na mga pinsan mo pa ang magyaya sa’yo huwag kang sasama. Kapag inuman at pagdadamo, wala kang laban diyan. Mabuti at nakatakas ka. Kung hindi, kawawa ka sa ku­lu­ngan.’’

Pasa­lamat na pasala­mat siya. Tinanong niya ito kung hindi na babalik ang mga motawa.

“Hindi na babalik ang mga iyon. Sa sob­rang baho rito, maisusumpa nila ang villa na ito.’’

Pero pinayuhan siya nito na huwag munang lalabas ng bahay maliban kung papasok sa trabaho. Baka may sumusubaybay ay madakma siya. Sinunod niya ang payo ni Manong Wen. Mula noon ay hindi na siya sumama kahit sa mga pinsan. Napag-alaman naman niya na hindi rin nahuli ang mga pinsan niya na kasamang uminom ng sadiki at nagdamo. Hindi na niya inalam kung ano ang ginawa at hindi nahuli. Basta isinumpa niya na hindi na babarkada sa mga ito. Susundin niya ang anumang ipayo ni Manong Wen.  Kapag nagpayo o nagbabala si Manong Wen, talagang nagkakatotoo kaya dapat pakinggan para hindi mapahamak.

(Itutuloy)

Show comments