Manong Wen (24)

“BAKIT ka hinahabol ng mga pulis?’’ ta­nong ni Manong Wen sa kanya. Sinabi niya ang dahilan. Ni-raid ang bahay ng pinsan niya dahil nag-iinuman sila at nag-damo pa. Nakatakas siya dahil sa pagdaan sa exhaust fan. Nasundan din siya ng mga pulis at maaaring papara-ting na.

“Sige halika! Sabi ko na nga ba’t may mangyayari,” sabi ni Manong Wen. Mahinahon at walang paninisi.

Niyaya siya sa kusina. Mayroong malaking kusina ang kanilang tirahang villa kung saan maaaring mag­luto roon ang mga nakatira. May mga cabinet doon na pinaglalagyan ng mga kaldero, kawali, kaserola at iba pang mga gamit.

“Ilabas mo lahat ang laman ng cabinet dali!” utos ni Manong Wen.

‘‘Bakit po?’’

‘‘Huwag ka nang magtanong, sige na!’’

Inilabas niya ang mga kaldero at kawali at iba pang gamit. Nang mailabas ay inutusan siya ni Manong Wen na pumasok sa loob.

“Sige magtago ka sa loob! Dali. Huwag kang lilikha ng anumang ingay. Pigilan mo ang paghatsing at pag-ubo,” sabi at isinara ni Manong Wen ang cabinet. Napakadilim! Halos wala siyang maaninag. Amoy nakulob na semento. Hanggang sa makapag-adjust ang mga mata niya. Wala siyang kaki­lus-kilos. Huwag daw siyang gagawa ng kahit anong ingay. Nakayupyop siyang parang sisiw sa loob. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Kapag nahuli siya ng mga pulis at motawa tiyak mabigat ang parusa sa kanya dahil pinahirapan niya ang mga ito sa paghabol. Nagsisisi siya kung bakit sumama pa sa kanyang mga pinsan at nakipag-inuman at nagdamo pa. Kung nakinig siya kay Manong Wen, hindi mangyayari ito. Tiyak na hahalughugin lahat ng mga motawa at pulis ang mga villa. Kapag nahuli siya, kasama pati si Manong Wen na huhulihin at kakasuhan dahil pinagtago siya rito. Kawawa naman si Manong Wen kapag nagkaganoon.

Nakiramdam siya. Naka-rinig siya ng mga tilamsik sa labas na parang itinapon sa suwelo. Maraming itinapon sa suwelo. Amoy mantika! Hanggang makarinig siya ng sagitsit ng mantika sa kawali. Ano yun? Parang nagluluto sa kusina. Malakas ang sagitsit ng mantika. Hanggang sa marinig niya na parang nagpiprito. Maya-maya pa, naamoy niya ang niluluto. Tuyong isda! Maangot ang amoy! Sa amoy ay halatang matagal na ang tuyo! Baka galing pa sa Pinas ang tuyo! O maaaring binili sa Batha!

Bakit kaya nagluto ng ganoon kabahong tuyo? At si Manong Wen kaya ang nagluto? Baka naman may ibang gumamit ng kusina at nagprito ng tuyo?

Pumapasok sa loob ng cabinet ang amoy nang pinipritong tuyong isda. Langhap na langhap niya! Tiniis niya. Kaya niyang tiisin ang pinakamabahong amoy huwag lang siyang mahuli ng mga motawa at pulis. Mas masakit ang kasasapitan niya sa kamay ng mga motawa kapag nahuli.

Hanggang sa may nari-nig siyang sigaw, yabag at lagabog sa pinto. Boses Arabo ang narinig niya! Muskila! Muskila!

Lalong isiniksik ni Jo ang katawan sa loob ng cabinet. Hindi siya halos humihinga!

(Itutuloy)

Show comments