DUMARAMI ang nagrereklamong bank depositors na nawalan sila o “nanakawan” ng pera. Itinuturong may kagagawan nang pagkasimot ng kanilang pera ay mga bank hacker at scammer. Pero sa kabila nito, tila walang ginagawang aksiyon ang pamunuan ng mga banko para maprotektahan ang kanilang depositors. Dapat malaman ng bank authorities na ang mga perang ninanakaw sa depositors ay nanggaling sa kanilang pawis at dugo.
Noong nakaraang linggo, ilang depositors ng isang banko nagreklamo na nawalan sila nang malaking pera. Nalaman nila na nasimot na ang kanilang pera nang mag-check sa automated teller machine (ATM). Ayon sa depositor, hindi naman siya nagwi-withraw kaya alam niya ang balance ng kanyang pera. Kaya nagulat siya nang malamang nalimas na lahat ang kanyang perang pinaghirapang ipunin nang matagal na panahon. Nang ireklamo niya sa bankong pinagdeposituhan nagulat siya nang makita ang mga transaction. Ayon sa kanya hindi naman siya nagwi-withdraw. Hindi malaman ng depositor kung ano ang gagawin sa nanakaw niyang pera. Hilong-talilong siya.
Isang mambabatas din ang nawalan ng pera sa ATM transactions noong nakaraang taon. Ayon sa mambabatas nawala ang kanyang pinaghirapang pera na umabot sa mahigit na P200,000. Ang pera raw bahagi ng kanyang SSS pension. Ayon pa sa mambabatas, ilang transactions ang ginawa bago nalimas ang kanyang perang pinagpaguran. Dapat daw magkaroon ng batas para maprotektahan ang depositors sa scam artists.
Noong nakaraang taon, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nakatanggap sila ng 1,272 kaso ng ATM frauds na ang sangkot na halaga nang nawalang pera ay P220 million. Noong 2012, tinatayang P175 million ang nawala sa parehong kaso.
Protektahan ang depositors sa hackers at scammers. Naniniwala kaming may sindikato sa likod ng pagnanakaw ng mga inpormasyon sa ATM card ng depositor. Wakasan ang masamang gawaing ito. Huwag nang hintayin na katakutan ng depositors ang pag-iimpok sa banko at mag-alkansiya na lamang.