NOONG Biyernes, dalawang train na naman ng Metro Rail Transit (MRT) ang tumirik sa pagitan ng Ortigas at Santolan Stations. Kinabahan ang mga pasahero sapagkat dalawang araw pa lamang ang nakalilipas mula nang mangyari ang pagbangga ng train sa barrier sa EDSA-Taft Stations kung saan 36 na pasahero ang nasugatan. Natakot sila sapagkat nasa mataas na bahagi ang train at maaaring bumulusok at lumusot sa pader. May 30 minutong nakatigil ang train.
Depektibo na ang mga train ng MRT! Ito ang katotohanan. Delikado ang mga pasahero. Dahil mga depektibo, dapat nang ibasura ang mga ito. Alisin na ang mga depektibong train bago pa may mangyaring malagim.
Ilang taon nang nagtitiis ang mga pasahero sa pagsakay sa MRT. Wala lang pagpilian kaya tinitiis na lang ang mahabang pila, pagtirik habang nasa kalagitnaan ng biyahe, pag-usok ng bagon, pagkalas ng bagon at pabigla-biglang pagpreno ng operator. Sa nangyaring aksidente noong Miyerkules, lumalabas sa pagsisiyasat na human error o kapabayaan ng drayber ng MRT ang dahilan kaya lumampas sa barrier. Ilang taon na ang nakararaan, nagkabanggan ang dalawang tren sa North Edsa sapagkat abalang nagti-text ang drayber ng isang train.
Ang MRT ang may tinatayang 500,000 na pasahero araw-araw. Nagtitiis sila sa mahabang pila para makasakay. Ang MRT lang ang transport system na mabilis makarating sa destinasyon. Mas maganda pa ring sumakay dito kumpara sa mga bus na natatrapik sa EDSA.
Ang mga sunud-sunod na aksidente at aberya sa MRT ay pagtuunan ng pansin ng gobyerno. Hihintayin pa bang may mangyaring muli sa train habang punumpuno ng pasahero? Ibasura ang mga depektibong train at mag-hire ng mga drayber na may sapat na kasanayan sa pag-operate nito.