MADALAS matalo ang Hanwha Eagles, isang baseball team sa South Korea. Dahil sa madalas nilang pagkatalo, tinatamad na ang mga tagasuporta nila na pumunta sa kanilang mga laro at mag-cheer para sa kanila.
Kaya nakaisip ang nasabing koponan ng kakaibang paraan para magkaroon sila ng mga ‘fans’ na susuporta at magchi-cheer sa kanilang mga laban.
Gumamit sila ng mga robot! Inilagay nila ang mga robot sa puwesto ng mga audience upang laging magmukhang marami ang nanonood sa kanila. Ang mga robot ay marunong kumaway, mag-chant, at mag-cheer na parang mga totoong fans.
High-tech din ang mga robot dahil puwede silang kontrolin ng mga tunay na taong taga-suporta ng Hanwha Eagles.
Gamit ang kanilang mga smartphone, maaring kontrolin ng isang fan ang isa mga robot upang mag-cheer ito para kanila kung hindi sila makakapunta sa mga laro ng kanilang koponan. Maari nila itong utusang magtaas ng mga placard na nagsasaad ng mensahe ng suporta na katulad ng mga karaniwang ginagawa ng isang manonood ng baseball.