ANG kapilya sa isang subdivision ay ginagawang all-purpose hall ng mga taga-roon—pinagbuburulan ng patay; pinagmimitingan ng barangay; ginagamit ng mga kabataan para sa kanilang party at kung anu-ano pang activities na wala nang kaugnayan sa simbahan. Medyo naiinis na ang mabait na pari kaya gumawa siya ng kautusan na ang kapilya ay gagamitin lamang sa pagmimisa, period. Anuman ang request na matatanggap hinggil sa paggamit ng kapilya para sa ibang activities ay hindi na niya papayagan.
Isang araw ay lumapit sa pari ang presidente ng homeowners association. Kung puwede raw sa kahuli-hulihang pagkakataon ay ipahiram ng pari ang kapilya para doon gawin ang Christmas party ng officers ng homeowners association. Hindi pumayag ang pari. Kailangan siyang maging firm sa kanyang desisyon. Nasaktan ang presidente ng homeowners.
“Kung ganoon Father, sasabihin ko sa homeowners na huwag na silang tumulong sa paglilinis ng kapilya.”
Medyo nabanas ang pari sa hindi magandang tono ng salita ng presidente. “O, sige, di hindi na rin ako magmimisa dito sa inyong kapilya.”
Nasaktan lalo ang presidente ng homeowners. “Okey lang, di sasabihin ko sa homeowners na sa ibang simbahan na lang sila magsimba.”
“Kung gagawin mo iyan, sasabihin ko sa aking kapatid na abogado na bitiwan na niya ang paghawak sa iyong kaso na pagdispalko ng pera ng asosasyon. Remember, libre lang ang serbisyo niya sa iyo.”
“Father, nagbibiro lang ako. Marami pa namang lugar para pagdausan ng Christmas party. Sige, thank you.”