SA pagnanais na maipakita sa buong mundo ang kanyang yaman, isang negosyante sa India ang nagpagawa ng polo na gawa sa ginto.
Ang polo, na nagtataglay ng 22 karat na ginto, ay may bigat na 10 pounds at nagkakahalaga ng $211,000 (lampas P9 milyon).
Ang polo ay ipinagawa ni Pankaj Parakh, isang negosyante na yumaman mula sa pagbebenta ng tela. Ipinagawa niya ang gintong polo bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanyang ika-45 kaarawan.
Ayon kay Parakh, ipinagawa niya ang gintong polo upang may maisuot siyang espesyal sa pagbisita niya sa templo sa Mumbai kung saan siya magdadasal sa araw ng kanyang kaarawan. Matagal na rin siyang mahilig sa mga gintong palamuti at sa katunayan, hindi raw bumababa sa bigat na 2 kilo ang suot niyang mga gintong alahas araw-araw.
Hindi ito ang unang beses na nagpagawa ng gintong polo si Parakh. Noong nakaraang taon, nagpagawa na rin siya ng isang gintong polo para sa kanyang kaarawan na ang halaga ay $24,000 (P1 milyon). Mas murang di hamak sa ipinagawa niyang polo ngayon na $211,000.
Bukod sa pagiging negosyante, isa ring pulitiko si Parakh sa kanilang lokal na pamahalaan. Binabatikos siya ngayon sa kanyang kahambugan sa taglay niyang yaman gayung maraming naghihirap sa India.