Kuwento ito ng aking kaklase noong nasa kolehiyo ako:
IBA’T IBANG klaseng tao ang nakasama ko noon sa boarding house. Bihira ang mabait. Madalas ay maramot (ang kanyang electric fan ay hindi niya pinaiikot. Nakatutok lang sa kanya. Inilalagay sa locker na may susi kapag umaalis) suspetsosa (kapag may nawalang gamit ay suspect lahat ng roommates), manlalait, tsismosa. Lahat ng negative traits ay makikita sa aming boarding house.
May isang lalaking bagong boarder na dumating isang pasukan. First year ito. Fresh from the barrio. Jeric daw ang pangalan niya nang tanungin ko siya. Pero may lihim kaagad na binyag sa kanya ang aking mga kasama—barriotic Mong.
Si Mong ay isang character sa komiks na ubod ng tangkad pero tatanga-tanga at baduy. Barriotic, ibig sabihin ay baduy. Sobrang mahiyain si Jeric. Laging nakatungo kapag naglalakad kaya parang nakukuba ang tingin ko sa kanya. Dumadaan ang maghapon na hindi siya nagsasalita. Pero may isa siyang katangian na nagustuhan ko. Lagi siyang nagsisimba tuwing hapon pagkagaling sa school. At nagdadasal siya bago at pagkatapos kumain. Naku, lalo tuloy siyang lihim na pinagtatawanan at nilalait.
Isang araw ay nagkasabay-sabay kaming mga boarders na kumain sa dining area. Pagkasalpak namin sa upuan ay wala nang dasal-dasal pa, subo kaagad kami ng pagkain. Pero iba si Jeric. Pumikit pa siya, nag-sign of the cross at nagdasal bago simulan ang pagkain. Pinansin iyon ng isang boarder na laging nang-aasar.
“Wow, religious! Talaga bang ganyan kayong lahat doon sa inyong baryo, may papikit-pikit pa bago kumain?”
“Oo, lahat ng tao. Pero ang mga unggoy at baboy, hindi na nagdadasal. Dire-diretso lang sila sa paglamon!”