‘Ibabalik sa purgatoryo’

DINUDURAAN, minumura…sinasaktan. Kapag siya’y gumanti siguradong sa kulungan ang kanyang kakabagsakan.

Ganito ang pinagdaanan ng ating kababayang si Roselyn Maranan nang magtungo siya sa Abu Dhabi. “Nay gusto ko nang umuwi. Tulungan niyo ako. Hindi ko na kakayanin ang ginagawa nila sa ‘kin dito,” sabi ni Roselyn sa ina.

Kwento ng kanyang inang si Lilia Diploma, Abril 11, 2013 nang pumunta doon ang anak. Isa itong Domestic Helper (DH) doon. Ang ahensiyang Mariegold Int’l Manpower Services ang tumulong sa kanyang makahanap ng employer. Tatlong bata ang kanyang inaalagaan, isang siyam na taong gulang, anim at ang pinakabata ay tatlong taon. Halos lahat din ng trabaho sa bahay ng kanyang employer na si Mohamed Abdula Ibrahim ay siya ang gumagawa. Isang buwan pa lang namamalagi dun si Roselyn dumaing na ito sa pagtrato ng tatlong bata.

“Pinapayuhan ko siya na huwag na niyang patulan dahil bata yan. Magbabago pa yan,” sabi ni Lilia sa anak. Lumipas ang panahon mas lumalala daw ang ginagawang pananakit kay Roselyn. Hindi na din daw ito pinapakain ng maayos doon. Kapag nagsusumbong naman umano ito sa ina ng mga alaga sinasabihan lang siyang bata ang mga ito kaya’t intindihin na lang.

“Humingi na siya ng tulong sa ‘min na lumapit na sa agency niya dito sa Pilipinas. Tumawag kami sa Mariegold pero pinaghintay lang nila kami,” pahayag ni Lilia. Nang hindi na makayanan ni Roselyn ang mga ginagawang pananakit sa kanya nagpasya na siyang tumakas. Dumiretso siya sa White Sea Pearls Manpower.

Nagkita sila dun ng isa rin nating kababayan na si Analee Allada na inihingi din ng tulong sa amin ng kanyang asawa. Kwento ni Analee wala daw dalang kahit na anong gamit si Roselyn ng dumating sa ahensiya. Nakita niya ring may pasa ito sa kanang balikat at payat na payat. Sabi nito hinampas daw yun ng kanyang alaga ng ‘rolling pin’ (gamit sa paggawa ng tinapay).

“Papauwi na ako nun ng Pilipinas sabi niya ihingi ko daw siya ng tulong kung saan lumapit ang asawa ko. Nangako naman ako sa kanya na kokontakin ko ang pamilya niya kapag nakausap ko ang mister ko,” salaysay ni Analee. Sa puntong ito umaasa pa din ang pamilya ni Roselyn na tutulungan sila ng ahensiya. Hindi pa din sila humihinto sa kakatawag sa Mariegold. “Maghintay lang kayo. Huwag kayong mag-alala aayusin namin yan. Kailangan lang maibalik ang passport niya at makakauwi na siya,” pangako daw ng ahensiya sa kanila. Nabalitaan din nila na pinapabalik ng amo niya si Roselyn pero ayaw na nito. Sabi naman ng ahensiya ihahanap ng bagong mapagtatrabahuan ang anak ngunit kailangan nitong magbayad ng halagang Php90,000 sa dati nitong amo para sa mga nagastos.

“Pwede rin naman daw hulugan yun. Magtatrabaho ang anak ko ng siyam na buwan pero walang sahod dahil ibabayad sa dati niyang naging employer,” wika ni Lilia. Giit ni Lilia pauwiin na lang sana ang anak at dito na lang magtrabaho sa Pilipinas kung ganun lang din ang kalakaran. Kahit sila na umano ang sumagot ng tiket nito pauwi ng bansa. Nais nilang humingi ng tulong na mapauwi si Roselyn dahil ayaw umanong ibalik ng naging amo nito ang passport. Ito ang dahilan ng paglapit nila sa aming tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Roselyn. BILANG TULONG nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) at in-email namin sa kanya ang lahat ng detalye tungkol kay Roselyn.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, karamihan sa ating mga kababayan na nagtutungo sa gitnang silangan ay halos pareho ang dinadaing. Sinasaktan sila ng kanilang mga amo o ng mga batang inaalagaan. Swerte ka na kung makatapat ka ng employer na maganda ang pakikitungo sa ‘yo.

Ang hindi ko maintindihan ang agency niya sa Abu Dhabi ay binayaran ng employer kasama na ang processing fee, placement fee, visa at may kontratang kalakip. Kumikita na kayo sa sistemang ito. Si Roselyn ay umalis sa kanyang employer at ngayon ay ililipat niyo sa panibago. Yung kukuha kay Roselyn ay magbabayad sa inyo ng lahat ng inyong mga sisingilin kaya’t walang lalabas na pera sa inyo. Kayo naman dahil natanggap niyo na ang bayad ng employer ni Roselyn ay dapat lamang na palitan ito gamit yung perang ibinayad ng bagong employer ni Roselyn. Ano to botcha o double dead? O sa isang malinaw na pananalita double compensation para sa inyong ahensiya? Naiintindihan ko kung saan nanggagaling kung bakit kailangan magtrabaho si Roselyn para mapunan ang perang ibibigay ng bagong employer. Ang hindi ko maintindihan ay yang inyong maniobra kung saan ang lahat ay pabor sa inyo. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments