“SANA po bumalik ka rito Mang Jo. Marami pa pong sinabi si Tatay ukol sa iyo,” sabi ni Princess habang nakahawak sa balikat ng kapatid na si Precious.
“Oo, babalik ako Princess.’’
“Salamat po Mang Jo. Matutuwa si Tatay kung saan man siya naroon ngayon dahil dinalaw mo kami rito.’’
“Sige mag-ingat kayo ritong magkapatid. Siyanga pala, eto ang pera, gamitin mong pandagdag sa pagbibingka at gastusin n’yong magkapatid.’’
Kinuha ni Princess ang pera. Sa salat ay mga limang libong piso.
“Salamat po Mang Jo. Kailan po kaya ang balik mo rito?”
“Basta babalik ako. Hindi ko alam kung kailan pero babalik ako.’’
“Salamat po uli.”
“Aalis na ako.’’
Umalis na si Jo. Kahit hindi niya nakikita, alam niyang sinusundan siya ng tingin ng magkapatid na Princess at Precious.
Hanggang sa makakita siya ng traysikel. Tinawag niya. Lumapit.
“Saan ka po Manong?” tanong ng drayber.
“Sa Socorro.’’
Tumakbo ang traysikel.
Pagdating sa Socorro, isang van na patungong Calapan ang naghihintay. Sumakay siya. Ilang minuto lang at napuno ang van. Tumakbo na. Pagdating sa Calapan pier, eksaktong paalis ang ro-ro patungong Batangas. Sumakay siya. Habang naglalakbay ang ro-ro, si Manong Wen at ang mga anak nito ang kanyang naiisip.
Hindi niya akalain na may anak pala si Manong Wen. Ang ikinukuwento lang nito ay ang asawa. Bakit kaya? Kahit kailan, sa loob ng ilang taon na pagiging magkaibigan sa Saudi ay walang nababanggit ukol sa pamilya nito. At ang nakapagtataka pa, ayon sa kuwento ni Princess, iniwan sila ng ina. Sumama kaya sa ibang lalaki? Kailan kaya nangyari iyon? Nasa Saudi pa kaya si Manong Wen? O nangyari iyon noong umuwi na siya rito sa Pilipinas? Bakit kaya sila iniwan?
Gusto na sana niyang itanong kay Princess kung nasaan ang ina, pero hindi maganda. Saka na lang. Siguro pagbalik niya ay malalaman na niya ang lahat. At saka ang sabi ni Princess, marami pa raw siyang ikukuwento ukol kay Manong Wen. Ano kaya ang mga iyon?
(Itutuloy)