MULA kay Tarzan hanggang sa sikat na librong The Jungle Book, marami na ang kuwento ng mga batang naiwan sa kagubatan at kalauna’y kinupkop ng mga hayop. Ngunit lubhang kamangha-mangha ang kuwento ng isang bata sa Spain na totoong inalagaan at pinalaki ng mga lobo.
Si Marcos Rodriguez Pantoja ay ipinanganak sa isang naghihikahos na pamilya. Malungkot ang kanyang pagkabata; binubugbog siya ng kanyang madrasta at noong ika-pitong kaarawan niya, ipinagbenta siya ng kanyang pamilya sa isang matandang pastol upang maging katulong sa pag-aalaga ng mga tupa.
Dinala siya ng pastol sa bahay nito sa kabundukan at doon na namalagi. Nang mamatay ang pastol, wala siyang ibang taong matakbuhan. Dahil sa kanyang murang edad na pitong taon, napakabata pa niya para malaman kung paano bumaba ng bundok mag-isa at pumunta sa bayan.
Umalis si Pantoja sa tirahan ng matanda at lumipat sa isang kalapit na kuweba. Doon niya dinadala ang mga nahuhuli niyang mga hayop katulad ng usa na siya niyang kinakain. Minsan ay nasundan siya ng isang grupo ng mga lobo na naamoy ang karne na kanyang dala-dala papunta sa kanyang kuweba.
Sa halip na lapain ng mga lobo ang pitong taong gulang na bata, naging maamo ang mga ito. Nakipagkaibigan ang mga ito kay Pantoja na marahil ay tinitingala nila sa galing nitong manghuli ng makakain na hayop. Simula noon ay lagi nang kasa-kasama ni Pantoja ang mga lobo.
Tumagal ng 12 na taon ang samahan ni Pantoja at mga lobo. Nakabalik lamang si Pantoja sa sibilisasyon nang makita siya ng ilang miyembro ng Guardia Civil na sapilitang nagdala sa kanya sa bayan. Labingsiyam na taong gulang na siya ng panahong iyon kaya naman nahirapan siyang makibagay at makisalamuha sa ibang tao.
Ngayon ay 58 taong gulang na si Pantoja at namumuhay na ng normal. Naging tampok siya ng isang pelikula kamakailan na tungkol sa kanyang paglaki kasama ang mga lobo. Ginawa ito ng isang direktor na namangha sa kanyang kuwento.