“KAPAG ipinakita ko ang pisngi ng birhen, baka matuliro ka at hindi mo na matapos ang Law. At kapag hindi mo natapos ang Law, nasira ang pangarap mo at pati na ang sa Daddy mo. Di ba sabi mo, proud na proud ang Daddy mo nang nasa Law school ka na. Talagang pangarap niyang magkaroon ng anak na lawyer. Sisirain mo ba yun, Drew?’’
Umiling si Drew.
“Kung ganoon, huwag mo na munang hilingin na makita ang pisngi ng birhen ngayon. Kapag nakatapos ka na at nakapasa sa Bar exam. Hindi mo lang basta masisilip ang pisngi ng birhen kundi makukuha mo pa.’’
“Baka malasahan ko pa?” tanong ni Drew.
Napahagikgik si Gab. “Oo. Malalasahan mo pa,’’ sabi nito at tinampal si Drew sa braso.
“Mabilis namang lumipas ang panahon. Maya-maya lang tapos ka na ng Law at nagrerebyu na para sa Bar.’’
“Sige, kumbinsido na ako Gab. Saka ko na lang sisilipin at lalasahan ang pisngi ng birhen. Pag-aaral muna ang aatupagin ko.’’
“Ganyan nga, Drew. At habang abala ka sa pag-aaral, lalo ko pang pagbubutihin ang pagma-manage sa ating negosyong Uokcoco pesticides. Gusto ko mabigyan ng trabaho ang mga tao rito sa barangay. Napansin ko kasi, maraming walang trabaho rito at ang ilan ay umaasa lamang sa kanilang mga anak na hindi rin naman kagandahan ang buhay. Kapag nabigyan ko sila ng trabaho, uunlad ang kanilang buhay at hindi na sila magugutom.”
“Aba ang ganda ng vision mo Gab. Hindi kaya kumandidato kang barangay chairman dito?’’
Nagtawa lamang si Gab.
GANOON nga ang nangyari. Sinunod ng dalawa ang plano. Maayos na naisagawa ang lahat. Nag-concentrate si Drew sa pag-aaral at si Gab ay pinaunlad pa ang Uokcoco pesticides. Marami siyang nabigyan ng trabaho. Marami ang nakinabang.
Hanggang sa dumating ang hinihintay nila. Nakapagtapos si Drew ng Law at nang taon ding iyon ay kumuha ng Bar exams. Sumunod na taon, nang lumabas ang Bar results, isa siya sa nakapasa.
“Pasado ako Gab! Pasado ako!”
“Salamat sa Diyos! Natupad na ang plano natin, Drew!”
(Itutuloy)