ISANG asong kalye (askal) sa Ukraine ang umaani ng pa-puri ngayon matapos iligtas ang buhay ng mga sundalo habang nakikipagbakbakan sa mga rebelde sa nasabing bansa.
Ang askal ay nakita ng mga sundalong pagala-gala malapit sa kanilang kampo sa silangang bahagi ng Ukraine. Naawa sila sa aso kaya binigyan nila ng pagkain at doon na pinatira. Pinangalanan nila itong Zhuzha.
Hindi nagtagal, nagkaroon kaagad ng kapalit ang pag-kupkop nila kay Zhuzha matapos iligtas ang buhay ng mga sundalong nag-ampon sa kanya. May kakaibang kakayahan pala si Zhuzha para malaman kung pauulanan na sila ng mortar ng mga rebelde --- wala itong tigil sa pagkahol. Kaya kapag kumakahol si Zhuzha ng paulit-ulit, nagkukubli na ang mga sundalo upang hindi sila tamaan ng mga umuulan na bomba na karaniwang dumarating sa loob ng kalahating oras.
Isang sundalo ang tatlong beses nang nailigtas ni Zhuzha dahil sa mga tumpak niyang prediksyon kung kailan sasalakay ang mga rebelde. Kung hindi nagtatahol si Zhuzha, maaring marami nang namatay sa tropa ng gobyerno nang salakayin ng mga rebelde ang kanilang kampo. Lima lamang sa mga sundalo ang nasugatan.
Kaya VIP ang trato ngayon kay Zhuzha sa ginawa nitong pagliligtas sa buhay ng mga sundalo. Ayon sa mga sundalo, aalagaan nilang mabuti si Zhuzha dahil kakaila-nganin nila ang kakaibang kakayahan nito. Ayon sa mga sundalo, malabo pang matapos ang operasyon nila sa mga rebelde na nasa silangang Ukraine.