DAPAT magpaliwanag sa publiko si LTFRB chairman Winston Ginez at DOTC secretary Joseph Abaya kaugnay sa kampanya ng gobyerno laban sa kolorum.
Sa nakalap kong dokumento, ang implementasyon ng kampanya laban sa kolorum ay Hunyo 19, 2014 kung saan magpapataw ng P1 milyong multa sa mga kolorum na bus gayundin sa iba pang sasakyan.
Nakakapagtaka na kung Hunyo 19 ang implementasyon, bakit Hunyo 17 ay agad lumagda ng kautusan ang LTFRB na suspendido ang panghuhuli sa mga kolorum ng truck. Binigyan nila ng 120 days na palugit upang maayos ang papeles.
Sinamantala naman ng truck operators na makapagbiyahe kahit kolorum dahilan upang lumabas ang mga ito at lumikha ng trapik.
Batay sa aking nakalap na rationalization program ng LTFRB ito ay katumbas ng gagawing legal ang mga kolorum na bus. Kung mabibigyan ng bagong prankisa ang mga kolorum na bus, aabot sa mahigit sa 3,000 units. Tiyak titindi ang problema sa trapiko lalo sa Metro Manila.
Pinapayagan din ng LTFRB na makapasok ang provincial buses sa Metro Manila na ipinanukalang itigil para mabawasan ang sasakyan sa EDSA. Kapag itinuloy ang rationalization program matindi ang pagsisikip ng trapiko sa MM.
Sa ngayon, matrapik dahil maraming paghuhukay sa kalsada at paglilinis sa estero at lumala dahil sa pagpayag ng LTFRB na makabiyahe ang mga kolorum na truck.
Matinding problema ang dadanasin ngayon ng MMDA kung paano masosolusyunan ang trapiko sa Metro pinalala ng LTFRB.
Paimbestigahan ni P-Noy ang LTFRB kung bakit ang mga bagong patakaran nila ay lilikha lamang ng problema at apektado ang buong Metro Manila at iba pang lungsod at bayan.