ANG lalaki ay mahilig magluto. Isang araw ay naisipan niyang mag-experiment ng kakaibang fried chicken. Kakaiba dahil tinimplahan niya ito ng labing-isang iba’t ibang klase ng herbs. Nang lutuin niya ang manok… aba, ibang klase… masarap! Upang makasiguro ay ipinatikim niya ang fried chicken sa mga kaibigan. Iisa lang ang comment ng mga nakatikim: Kakaiba ang sarap dahil walang katulad.
Nang nag-retired ang lalaki sa edad na 65 ay inialok niya ang kanyang fried chicken recipe sa iba’t ibang restaurants. Kung magugustuhan ang kanyang recipe, ang magiging kasunduan ay ganito: Sa bawat pirasong fried chicken na maibebenta ay bibigyan ang lalaki ng 5 sentimos ng restaurant. Sa kasamaang palad, rejected ang kanyang fried chicken recipe sa kauna-unahang restaurant na kanyang inalok. Magkaganoon pa man, hindi sumuko ang lalaki. Nakarating siya sa iba’t ibang lugar para lang ialok sa mga restaurant ang kanyang recipe. Sa awa ng Maykapal, may isang restaurant na tumanggap sa kanyang recipe. Ito ang ika-1,009th na restaurant na kanyang inialok. Ibig sabihin, mga 1,008 na restaurant ang nang-reject sa kanyang recipe.
Ang dami noon! Biruin mo, 1,008 restaurants ang nagsisi nang biglang mag-BOOM ang ngayo’y sikat na Kentucky Fried Chicken. Ang matiyagang lalaki na nakaimbento ng fried chicken with 11 herbs ay si Colonel Harland Sanders. Simula noon ay nagkasunud-sunod na ang mga restaurant na bumili ng recipe ni Colonel Sanders. Taong 1963 ay may 600 nang restaurant ang nakabili ng kanyang recipe. Wala pang pangalan noon ang kanyang fried chicken. Naging Kentucky Fried Chicken lang ito nang bilhin ni Kentucky Governor John Brown ang recipe noong 1964. Namatay na isang multi-millionaire si Sanders noong 1990.
“Success is the ability to go from failure to failure without losing your enthusiasm.” — Winston Churchill