Uok (204)

HINDI makapaniwala si Drew at Gab na mag-aakyat sa kanila nang mala­king suwerte ang Uokcoco. Kumita sila nang malaki. Marami na silang savings. Kahit magpakasal sila nang marangya, walang problema sa gagastusin. Hindi naman nila kinalimutang ituro sa mga magsasaka ng niyog ang tamang paggamit ng Uokcoco pesticides. Mas tinu­tukan nila ang mga maliliit na coco farmers na umaasa sa kanilang niyugan.

Dahil sa kanilang masigasig na pagtuturo kung paano ang paggamit ng Uokcoco, mabilis na nalipol ang mga peste. Muling sumigla ang mga magsasaka ng niyog. Nagkaroon nang maraming bunga.

Ganoon na lamang ang pasasalamat ng mga magsasaka kina Drew at Gab.

“Salamat sa natuklasan mong gamot Sir Drew. Hulog ka ng Diyos sa aming mga magsasaka ng niyog,’’ sabi ng isa.

“Magkakaroon uli kami ng pagkakakitaan,’’ sabi ng isa pa.

“Wala pong anuman. Ha­yaan n’yo at tutuklas pa kami ng mga gamot para sa mga peste ng niyog.”

Hindi lamang Pinoy farmers­ ang nakinabang, kundi pati mga dayuhan. Nagsimula nang magluwas ng Uokcoco pesticides sina Drew. At lalo pang nadagdagan ang kanilang kayamanan.

Maski si Tiyo Iluminado at Tiya Encarnacion ay hindi akalaing payayamanin sila ng Uokcoco. Kung noon ay walang-wala sila, ngayon ay masaganang-masagana sila.

“Kung kailan tayo tumanda ay saka tayo naging masagana, Encar,” sabi niya sa asawa. Nasa balkonahe sila nang ma­laki nilang bahay. Wala sina Gab at Drew.

“Oo nga. Sino ba ang mag-aakala na yayaman tayo nang ganito dahil sa mga Uokcoco na ang tingin mo ay mapanira.’’

“Oo nga. Ang mga peste pala ang mag-aakyat sa atin ng kayamanan.’’

“Palagay ko, dapat mo nang kalimutan ang galit kay Uok --- dun sa daddy ni Gab. Makipagbati ka na kay Uok. Di ba sabi ni Drew gusto raw makipagkaibigan sa’yo. Tapusin na ang mga alitan. Ano pa ba ang hihilingin natin e binigay na ng Diyos. Kaya patawarin na ang nagkasala. Patawarin si Uok!”

(Itutuloy)

Show comments