EDITORYAL - Ba’t kailangang pahirapan ang ka-‘brod’?

NOONG 2012, dalawang San Beda students ang namatay sa hazing --- sina Marc Andrei Marcos, 21, at Marvin Reglos, 25. Dalawang kabataan na may mataas na pangarap pero pinutol ng hazing. Akala nang marami wala nang susunod sa dalawa, pero meron pa pala. Mayroon pa palang ka-“brod” na pahihirapan hanggang sa mamatay.

Ang bagong biktima ay si Guillo Cesar Servando, 18, estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde. Namatay siya dahil sa grabeng pagkabugbog. Hindi na niya nagawang makapaglakad dahil bumagsak na ang katawan. Nakunan ng CCTV ang paghila sa kanya ng dalawang lalaki palabas sa elevator. Hinahanap na umano ang mga miyembro ng Tau Gamma na responsible sa pagkamatay ni Servando.

Sino pa ang susunod? Maaaring marami pa sapagkat walang natatakot sa Republic Act No. 8049 o ang Anti-Hazing Law. Sa batas, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasailalim sa hazing ang miyembro ng fraternities, sororities at iba pang organisasyon. May katapat na kaparusahan ang lalabag sa batas na ito.

Habambuhay na pagkabilanggo (reclusion perpetua) kapag nagresulta sa pagkamatay, panggagahasa, sodomy­ or mutilation; Kapag nasiraan ng ulo, naging inutil o nabulag, 17 taon, 4 na buwan, 1 araw hanggang 20 taong pagkabilanggo ang parusa; Kapag ang biktima ay nawalan ng boses, pandinig, pang-amoy, pagkabulag, pagkaputol ng kamay, paa, braso, dahilan para hindi na makapagtrabaho, 14 na taon, 8 buwan at 1 araw hanggang 17 buwan at apat na buwang pagkakabilanggo; Kapag na-deformed ang alinmang bahagi ng katawan ng biktima dahilan para hindi na niya magampanan ang kanyang mga tungkulin, 12 taon  at 1 araw hanggang 14 na taon at 8 buwan na pagkakabilanggo at 10 taon at 1 araw hanggang 12 taong pagkakabilanggo kapag ang biktima ay nagkasakit at hindi na magampanan ang kanyang trabaho.

Mabigat ang kaparusahan subalit patuloy pa rin ang pagdaraos ng hazing. Walang natatakot sa R.A. 8049. Bakit ba kailangang pahirapan pa ang ka-“brod”? Para makaganti dahil pinahirapan din noon?

 

Show comments