“KAILANGAN na nating magpagawa ng isang malaking tindahan para sa ating produktong Uokcoco pesticide,” sabi ni Drew.
“Inio-offer ko nga ang aking lote sa probinsiya para doon gawin ang tindahan. Mas marami tayong mailalagay na pesticide kapag nagawa ‘yun, Drew.”
“Sabihin muna natin kay Sir Basil – sa daddy mo. Mabuti nang alam niya ang tungkol sa ating balak.’’
“Papayag yun, Drew. Kasi nga nailipat na sa akin ang titulo.’’
“Gusto ko marinig sa kanya mismo ang pagsang-ayon. Kahit nakapangalan na sa’yo ang lote, mas mabuting malaman niya. Ayaw kong may masabi siya sa akin. Tiwala pa naman siya sa akin.’’
“E di sabihin na natin ngayon. Hangga’t maaga, kailangang makapagpagawa ng tindahan dahil dumadami ang demand ng Uokcoco pesticide.’’
“Sige, sabihin natin mamaya.’’
“Papayag yun sigurado. Wala pa akong hiniling na hindi niya pinagbigyan.’’
“Sana nga, Gab. Siyanga pala, kung magpapagawa tayo sa lote mo, naisip ko, doon na rin ang breeding area ng Uokcoco.’’
“Oo naman. Kaya nga dapat, isang malaking building na ang ipagawa natin. Ang ground floor ay tindahan at sa second at third floor ay breeding area at sa fourth floor ay ang pagtutunawan ng mga lawa-lawang pinoprodyus ng mga Uokcoco.’’
“Aba okey ang suggestion mo, Gab. Sige, ituloy natin ang plano.’’
Kinagabihan, sinabi na nina Gab at Drew ang balak. Pumayag si Basil. Walang tutol.
“Hindi ako tutol sapagkat ang layunin ninyo ay makatulong at para paunlarin din ang inyong sarili. Gawin ninyo ang nararapat.’’
“Salamat po, Sir Basil.’’
Hinalikan ni Gab si Sir Basil.
AGAD sinimulan ang construction ng building at nang matapos iyon, dumagsa pang lalo ang mga bibili ng pesticides. Nakatulong na sina Gab at Drew ay yumaman pa sila. Maski si Tiyo Iluminado ay yumaman dahil sa Uokcoco pesticides.
(Itutuloy)