Ang ‘bayan ng mga Kambal’ sa Brazil

ANG maliit na bayan ng Candido Godoi sa Brazil ay tinaguriang “Bayan ng mga Kambal” sa dami ng mga ipinapanganak na kambal doon. Isanlibong beses kasing mas madalas na magsilang ng kambal sa nasabing bayan kumpara sa kahit anong lugar sa mundo. Sa bawat 10 nagbubuntis sa Candido, isa ang nagsisilang ng mga kambal.

May ilang dahilan kung bakit kambal ang ipinanganganak doon. May nagsasabing kakaiba ang iniinom na tubig ng mga taga-Candido. Nariyan din ang mga nagsasabing isa raw da-ting siyentista ni Hitler ang tumira at nagtago sa Candido at nag-eksperimento sa mga kababaihan. Ang sinasabing siyentista ay si Dr. Joseph Mengele na ayon sa mga sabi-sabi ay dati nang gumagawa ng eksperimento sa mga kababaihan sa Germany upang mag-anak ang mga babae doon ng mga kambal. Para mabilis dumami ang lahi ng mga Aleman.

Pero walang matibay na pruweba sa mga nabanggit na kaya naman naniniwala ang mga siyentista na nasa lahi ng mga babae na nakatira sa Candido ang kasagutan kung bakit mga kambal ang ipinanganak doon.

Hindi naman nagkamali ang mga siyentista sa kanilang hinala dahil nang isailalim sa pagsusuri ng DNA ang 30 pamilya, nakitang marami sa mga kababaihan ang may gene na nagdudulot nang mataas na tsansa ng pagkakaroon ng kambal sa sinapupunan. Mas lalo pang lumaki ang tsansang ito dahil ang mga napapangasawa ng mga babae sa Candido ay mga lala-king nakatira rin sa nasabing bayan. Ito ang dahilan kung bakit laging naililipat sa susunod na henerasyon ang kakaibang gene na nagdudulot ng pagkakaroon ng kambal na mga anak.

Show comments