PAANO nagsisimula ang kanser? Ang kanser ay isang kondisyon kung saan ang selula ng ating katawan ay nawawalan ng kontrol sa pagtubo. Kapag abnormal ang pagdami ng selula, puwede itong mabuo at maging isang tumor.
Ang tumor o bukol ay maaring cancerous, na tinatawag na malignant. Ang ibang tumor naman ay hindi masama o benign. Ang mga benign na tumor ay hindi kumakalat at sumisira sa katawan.
Pagdating sa kanser sa suso, hindi pa tiyak ang sanhi nito. Ngunit may mga dahilan na magpapataas sa tsansa na magkaroon ng ganitong uri ng kanser. (1) May lahi ng kanser sa suso sa pamilya; (2) Maagang pagkakaroon ng regla; (3) Isang babaing hindi nagkaanak; (4) Paggamit ng kontraseptibong pildoras; (5) Paggamit ng “hormonal” therapy.
Heto naman po ang mga palatandaan ng kanser sa suso. Bantayan natin ito.
1) May bukol na makakapa na kalimitan ay matigas at di pantay ang hugis.
2) May pagbabago sa laki at hugis ng suso. Minsan ay may dimple o paglubog sa balat ng suso.
3) Minsan ay nagdurugo ang utong. Ito ay masamang senyales at dapat patingnan agad.
4) Apektado ang balat sa suso. May mga kaso na nagmumukhang balat ng dalandan ang suso. Nagbubukol-bukol ito.
5) Ang pagsugat at pagdurugo ng balat ay malalang sintomas na.
Kung kayo o ang kaibigan ninyo ay may bukol sa suso, basahing mabuti ang dapat niyong gawin. Una sa lahat, kumunsulta agad sa isang surgeon. Sila ang makapagsasabi kung may tumor ka o wala. Pangalawa, kailangang magpa-mammogram o magpa-breast ultrasound para masuring maigi ang bukol sa suso.
Kadalasan ay kinakailangan ng operasyon ang bukol sa suso. Mas maagang maipaoopera, mas malaki ang tsansang mapagagaling ang pasyente. Bawat araw po na tumatakbo ay mahalaga sa isang may kanser sa suso. Huwag nang magdalawang isip pa. Magpatingin agad sa doktor kung may duda sa inyong suso.