“N APAKAGANDA mo Gab!” hindi nakapagpigil na nasabi ni Tiya Encarnacion. “Noong nagbabakasyon ka pa noon diyan sa kabilang bahay ay nene ka pa ngayo’y dalagang-dalaga ka na!”
Napatawa si Drew sa sinabi ni Tiya Encarnacion.
Parang nahihiya naman si Gab.
“Maraming salamat po, Tiya Encar. Suplada po ako noon at walang imik.’’
“Pero talagang napakalaki ng iginanda mo. Hangang-hanga ako.’’
“Salamat po uli, Tiya.’’
“Halika nga rito sa loob ng bahay at dito tayo magkuwentuhan,” sabi ni Tiya Encaracion at binalingan sina Drew at Tiyo Iluminado, “dito kami sa loob ng bahay.’’
“Sige po Tiya.’’
“Halika na Gab. Hayaan natin ang dalawang ‘yan. Tiyak na ang Uokcoco ang pag-uusapan ng mga ‘yan!’’
“Gusto ko rin pong makita ang mga Uokcoco, Tiya.”
“Mamaya. Sasamahan kita sa breeding room. Magkuwentuhan muna tayo sa loob. Meron din akong nilutong meryenda. Kumakain ka ba ng pinaltok?’’
“Yun po ba yung ginatang bilu-bilo?”
“Oo.’’
“Opo. Kumakain po. Masarap po yun, Tiya.’’
“Halika. Tamang-tama at bagong luto.’’
Pumasok sila sa bahay. Sina Drew at Tiyo Iluminado naman ay nagtungo sa breeding room.
“Kumusta ang mga alaga natin, Tiyo Iluminado?’’
“Napakabuti, Drew. Hindi ka siguro maniniwala pero napakarami nang iniakyat na pera ang mga alaga natin. Habang dumarami sila, parami rin nang parami ang ating pera. Hindi ako makapaniwala sa dumating na suwerte. Talo pa natin ang tumama sa lotto. Sa lotto, may araw na walang bola pero dito sa ating mga alaga, walang patlang ang akyat ng pera. Nakadeposito na ang pera sa banko pero nasa pangalan ko. Ikaw ang bahalang magpasya kung paano natin papartehin.’’
“Huwag muna nating pag-usapan yun, Tiyo. Madali lang yun. Ang isipin natin ngayon ay kung paano mapaparami ang ating mga alaga. Kasi, pati ang mga taga-ibang bansa na pinipeste rin ang niyog ay balak na ring bumili ng mga Uokcoco. Nabasa nila sa news ang tungkol sa Uokcoco…’’
“Talaga?’’
“Opo. Kaya ka ilangang magkaroon tayo nang mas malaking breeding area.’’
Pumasok sila sa breeding room.
Punumpuno ng containers ang room. Sikip na talaga.
Sinilip ni Drew ang laman ng container. Pagkaraan ay ininspeksiyon ang buong room.
“Saan kaya tayo magtatayo ng bagong breeding area, Tiyo.’’
“Mamaya, pag-isipan natin.’’
Makalipas ang kalahating oras ay tinawag ni Drew si Gab at ipinakita ang mga Uokcoco. Mangha si Gab.
“Mabilis dumami yan Gab. Kaya nga problema namin kung saan magtatayo ng bagong breeding room.’’
Nag-isip si Gab. “Bakit hindi sa lupa namin. Di ba bakante ang aming lupa?”
(Itutuloy)