Pagpapatanggal ng warts

MAY napapansin ba kayong parang mga ga-munggong tumutubo sa ating balat na makati-kati at patuloy na dumarami? Minsa’y napagkakamalan natin itong maliliit na nunal. Pero kapag sinalat, maaligasgas ang texture nito. Warts ang mga ito. Mas kilala natin bilang kulugo. Puwedeng makita ang mga warts na ito sa leeg, balikat, likod, mukha, at iba pang bahagi ng ating katawan. Mas higit na nakikita ito sa ating balat kapag nagkakaedad na.

Virus ang mikrobyong may dala ng warts. Iwasan ang pagkamot dito upang hindi na dumami pa. Habang kinakamot kasi ito, at naikakamot sa ibang bahagi ng katawan ang daliring kumamot sa warts, kumakalat ang virus na ito.

Wala namang masasabing masamang epekto ang mga nasabing warts sa katawan. Kahit ang mga malulusog na tao ay nagkakaroon ng mga warts. Lamang, medyo hindi ito magandang tingnan, lalo na kung marami na ito at nasa bahaging exposed pa ng katawan.

Karaniwang ginagawa ang pagsunog sa mga wart na ito sa pamamagitan ng electrocautery, kung saan may kuryenteng naglalagos mula sa isang instrumento patungo sa kulugo na nais sunugin.

Masakit ba ang pagpapatanggal ng warts gamit ang electro­cautery?

Hindi. Karaniwan, bago gawin ang procedure, pinapahiran ng mga doktor ng topical anesthesia (gaya ng EMLA) ang balat kung saan may warts na susunugin. Iyon ay para hindi maging masakit ang pagsunog dito. Ilang minuto muna itong hahayaang nakapahid sa balat bago gawin ang pagko-cauterize ng warts para nakatiim ang epekto ng local anesthesia.

Doon naman sa medyo malalaking warts, puwedeng mag-inject ng local anesthesia sa ilalim ng balat na tinubuan ng wart upang hindi maramdaman ang init o sakit ng kuryenteng sumusunog sa warts. Kahit pa gumamit na ng ipinapahid na anesthesia, may pagkakataong kailangang mag-inject ng local anesthesia sa ilalim ng balat upang painless ang maging pagpapaalis ng warts.

Ang pagko-cautery ay mas epektibo kaysa sa mga solution/kemikal na nabibili. Naaalis kasi nito ang mga warts na hindi nai-irritate ang balat. May mga nabibili ring ipinapahid sa wart gaya ng Duofilm. Puwede mong subukan.

Minsan, kusa na lamang natatanggal ang ilang warts sa katawan kahit pa walang ginawang cautery.  Marami nang doktor ang gumagawa ngayon ng cautery. Kahit na hindi dermatologists, maraming general practitioners o family physicians ang nagsanay na sa pagtatanggal ng warts. Isa na ito sa serbisyong ino-offer nila sa kanilang mga klinika.

Huwag matakot magpa-cauterize kapag kinakailangan nang ipatanggal ang warts na ‘yan.

***

Happy birthday (June 29) sa aking pamangkin na si Tricia Nicole Gatmaitan Alimato, Grade 9 student sa Wesleyan University Philippines, Cabanatuan City. God bless you.

Show comments