ISANG asong kalye (askal) sa China ang naglakbay ng 1,700 kilometro upang sun-dan ang isang grupo ng mga siklista na nagmagandang loob na siya ay pakainin sa gitna ng kanilang paglalakbay.
Ang aso ay natagpuan ni Zhang Heng habang nagbibisiskleta kasama ang kanyang mga kaibigan sa Sichuan. Siya at ang kanyang mga kaibigan ay naglalakbay papuntang Tibet bilang pagdiriwang ng kanilang pag-graduate sa kolehiyo. Nakita ni Heng at mga kasama niyang siklista ang aso sa gitna ng isang highway na nanghihina kaya pinakain nila ito ng chicken drumstick na kanilang baon. Pinangalanan din nila itong Xiao Sa na mula sa salitang Chinese na ‘xiao’ na ibig sabihin ay maliit, at ‘sa’ mula sa siyudad ng Lhasa sa Tibet na destinasyon nila.
Wala sa plano nilang kupkupin ang aso ngunit pagkatapos nila itong pakainin ay hindi na tumigil si Xiao Sa sa pagsunod sa kanila. Sa kabila ng mabilis nilang takbo sakay ng kanilang mga bisikleta ay hindi napagod si Xiao Sa sa pagbuntot sa kanila. Hindi rin ininda ng aso ang pag-akyat nila ng 10 bulubundukin patungong Tibet.
Pursigido si Xiao Sa na makapiling ang mga taong nagpakita ng kabaitan sa kanya. Hindi ito tumigil sa paglalakbay patungong Tibet kasama nina Zhang Heng kahit na ang ilan sa mga siklista ay hindi natagalan ang pagbibisikleta at nag-bus na lamang.
Kaya nang marating ni Heng ang Tibet, nagpasya na siyang kupkupin na ang aso. Itinuring na niyang kaibigan si Xiao Sa.
Naging sikat sa China si Xiao Sa matapos siyang itampok sa isang blog na nagsasaad ng kanyang kakaibang kuwento.