‘Tumataas na kriminalidad’

NAKAKABAHALA ang sunud-sunod na mga insidente ng patayan. Ang ganitong mga balita ay pangkaraniwang laman na lang ng mga dyaryo, radyo at telebisyon.

Kamakalawa, isang pulis-Kyusi na naman ang pinagbabaril sa Quezon City.  Nitong mga nakaraang mga linggo at araw, sunud-sunod na mga patayan din ang naitala sa mga probinsya dahil sa umano’y anggulong pulitika. Hindi pa rito kasama ang mga maliliit na tao na pinatay na lang ng basta-basta.

Malaki ang papel na ginagampanan ng mga alagad ng batas sa tumataas na estatistika ng krimen.

Ang problema, hindi aktibo ang mga pulis sa kanilang mga pagpapatrolya. O kung mayroon mang mga gumagalang mobile car, laging huli kung dumating sa mga pinangyarihan ng krimen.

Bago pa man sila makarating sa lugar, patay na ang biktima, dadamputin na lang ng kasabayan nilang punerarya at ang mga suspek, nakatakas na.

Kung pag-uusapan ang pagpapatupad ng batas, milya-milya ang agwat ng bansang Amerika at Pilipinas.

Ito ang taunang idinudokumento ng BITAG sa pakikiangkas ng aming grupo sa mga pulis sa California.

Kumpara sa 15-45 minutong responde sa tawag ng mga pulis dito sa Pinas, 2 minuto lang ang response time sa anumang mga itinatawag sa 911 sa Estados Unidos.

Namo-monitor din ng central communication system ang bawat galaw ng mga patrol officer gamit ang mga 2-way radio sa pagpapatrolya.

Bawat sulok ng mga lansangan, nililibot ng mga pulis kaya ang mga kriminal, magdadalawang-isip muna bago isagawa ang krimen.

 Sa nangyayaring mga patayan partikular sa Metro Manila, dapat maging ‘listo’ na ang mga awtoridad.

Paging National Capital Region Police Office at mga nakatalagang District Director, tukuyin ninyo na ang mga hotspot sa inyong lugar, para hindi gawing palaruan ng mga kriminal ang inyong mga hurisdiksyon at nasasakupan.

Alamin ang sistema ng pagpapatupad ng batas sa Amerika. Panoorin ang PINOY – US Cops sa bitagtheoriginal.com.

 

Show comments