MINSAN, sa food and beverage seminar, naitanong ng isang participant sa staff ng softdrink company kung bakit mas masarap ang lasa ng softdrink na nasa glass bottle kaysa nasa plastic bottle. Ang sagot ng taga-softdrink company ay iisa lang ang timpla ng kanilang softdrink kaya imposibleng mangyari na mas masarap ang nasa glass bottle kaysa plastic bottle. Natapos ang seminar na hindi kumbinsido ang mga participants sa ibinigay na kasagutan sa kanila. Noong isang araw ay may natisod akong artikulo na may titulong Secret to the perfect drink: serve it in a heavy glass, say experts.
May epekto sa perception ng tao ang pag-inom sa heavy glass. Sumasarap ang inumin kung ito ay iniinom mo mula sa magandang kristal na baso. Bukod sa magandang hitsura, nasa isip mo ay mamahalin ito. Ang mga positibong impresyon ay nakakatulong para magkaroon ka ng ilusyon na masarap ang iyong iniinom. Ang plastik na baso ay magaan at walang kislap kumpara sa crystal glass na mabigat at makintab. Isama pa dito ang impresyon na mas mamahalin ang glass kaysa plastic. Kaya ang katotohanan, psychological lang ang isinasarap ng softdrink sa glass bottle.
Kaya next time na magsisilbi ka ng inumin sa iyong mga bisita, gumamit ka ng maganda at makintab na mga baso.
Source: http://www.telegraph.co.uk/science/science-news