HINGGIL pa rin sa planetang Mars, kung minsan, naiisip ko kung tayong mga tao pala ang lalabas na Alien dito at ang panghihimasok natin sa Mars ang makakasindak o makakabigla o makakataranta sa sinuman o anumang nabubuhay na nilalang sa naturang planeta.
Baka nga raw mabuhay muli ang debate hinggil sa pinagmulan ng tao at ng ibang nabubuhay na nilalang sa Daigdig. Merong nagsasabing, sa ibang planeta noong araw, merong maliit na organismo na sumakay sa loob ng mga meteorite at nakapaglakbay at nakatuklas sa Daigdig hanggang dito na sila magsimulang mamuhay. At tayo na nga ngayon ang kanilang kaapu-apuhan!
Halos ganito ang maaaring maging pananaw sa konklusyon ng mga researcher ng Vanderbilt University ng Tennessee, USA na nagsagawa ng pag-aaral o pag-aanalisa sa meteorite na tinatawag na ALH-84001 at nagmula sa Mars. Bumagsak sa Antarctica ang meteorite may 13,000 taon na ang nakakaraan at natuklasan lang noong 1984. Natuklasan ng scientist na si David Mckay na merong fossil ng mga maliliit na organismo sa loob ng meteorite na nagpapahiwatig na merong mga nabubuhay sa Mars noong unang panahon ng pagkakalikha sa naturang planeta.
Lumitaw sa pag-aaral ng mga researcher ng Vanderbilt na hindi sumusobra sa 40 degrees Celsius ang temperatura sa loob ng ALH-84001na sapat para matagalan ng anumang organismo sa loob nito ang biyahe mula sa Mars patungo sa Daigdig. Ibig sabihin, hindi mamamatay ang anumang organismo sa mga bato na makukuha sa Mars at dadalhin sa Daigdig.