Mga tanong sa operasyon

MAY mga bagay na dapat tandaan bago magpaopera. Heto ang payo ko.

1. Itanong kung ang operasyon ay emergency o puwede pang maghintay. Kung emergency, itanong kung bakit kailangang operahan agad.

2. Alamin ang mga kondisyon na nangangailangan ng operasyon, katulad ng: (a) pagtanggal sa matinding sakit, (b) pagsasaayos ng deformity, at (c) pagpapahaba ng buhay. Kung hindi sapat ang paliwanag ng doktor, kumuha ng second opinion at kumonsulta sa ibang doktor.

3. Magdesisyon ng kalmante ang isip. Huwag magpapadala sa emosyon.

4. Ilista ang mga tanong na ito para sa pagharap mo sa iyong doktor:

a Ano ang tawag sa operasyon?

b. Paano ito ginagawa?

c. Ano ang risks o peligro sa gagawin sa iyo, at madalas ba itong mangyari?

d. Magkano ang dapat kong ihanda na pambayad sa ospital at sa doktor?

e. May mga murang alternatibo ba para sa akin?

5. Huwag mahihiyang humingi ng pangalawang opinyon sa ibang doktor. Buhay mo ang nakasalalay dito. Nilista ko ang mga sitwasyon na kailangang maghinay-hinay sa pagdede-sisyon kung:

a. Ang operasyon ay bago pa lamang (tinatawag na experimental).

b. Hindi sigurado ang kahihinatnan ng operasyon. Kung wala rin palang pupuntahan ang operasyon o laboratory test, bakit pa gagawin ito? Linawin ito sa doktor.

6. May mga kontrobersyal na operasyon na iba-iba ang opinyon ng maraming doktor. Ito ay ang  tonsillectomy, pagtanggal ng matris, Caesarian section (CS), heart bypass, angioplasty, operasyon sa buto, sa apdo at mga plastic surgery. Magtanong maigi bago umayon sa ganitong operasyon.

 

Sa madaling salita, may mga doktor na ‘gusto’ mag-opera at mayroon namang konserbatibo. Magdasal na makita ninyo ang tamang doktor na magpapagaling sa inyo. Ingat po!

Show comments