Donasyon para sa Piyesta

SA probinsiya, kapag panahon ng piyestahan sa mga barangay lalo na sa buwan ng April at May, may nadadaanan kayong mga kabataang naghaharang ng tali sa gitna ng kalsada. Kapag huminto ang motorista, iaabot nila ang lata na may malaking nakasulat na Donasyon para sa Piyesta. Iyon ang gagastusin nila para pampremyo sa mga games  na gagawin sa araw mismo ng piyesta.

Ngunit nang gawin ang panghaharang sa mga sasakyan ng fiesta organizers ng isang barangay, napansin nilang kakaunti ang nagbibigay. Dalawang araw na lang at piyesta na pero kulang pa ang pondo para sa games at contests na nakatakdang gawin. Paano kaya nila makukumbinsi ang lahat ng magdadaang motorista na bigyan sila kahit kaunting barya? May naisip ang lider ng grupo.

May pulis na nagmomonitor ng speed limit ng mga motorista sa kalsada na kinaroroonan nila. Napansin nilang ang pulis ay nakatayo sa lugar na hindi siya agad makikita ng mga motorista. Ang resulta ay sunod-sunod na motorista ang nahuhuli dahil sa over speeding.

Maya-maya ay napansin nilang umalis ang pulis sa kanyang puwesto sakay ng motorsiklo. Dali-daling kumuha ng cartolina ang lider. May isinulat ito gamit ang malalaking letra. Isang binatilyo ang naghawak nito sa tabi ng kalsada para mabasa ng mga parating na motorista. Ang nakasulat: Sundin  ang speed limit, may nanghuhuli sa banda roon.

Sa ikalawang cartolina ay may isinulat ulit ang lider. Isang binatilyo rin ang naghawak nito at pumuwesto malapit sa tali na ipinanghaharang nila sa mga motorista.  Kaunting donasyon po para sa piyesta.

Ilang oras din nawala ang pulis, nang magbalik ay itinago na nila ang cartolina. Tinapos na nila ang panghihingi ng donasyon dahil nakaipon sila ng sapat na pondo sa ilang oras na iyon. Natuwa sa kanila ang mga motorista dahil napaalalahanan sila. Iwas huli na raw, iwas aksidente pa. Hindi bababa sa P10 hanggang P50 ang inihahagis ng mga motorista sa lata.

               

 

Show comments