‘Pusong bato’

PAGKATAPOS ng sakit kasunod ay sarap ng pagtatalik at lambingan…ganito ang paulit-ulit na nangyayari sa kanilang relasyon kaya’t iniisip niyang posible pang mabuo ang kanilang pamilya. “Gusto kong magkaroon ng respeto ang pagkatao ko. Hindi ko na iniintindi ang sarili ko, puro na lang sa kanya,” simula ni Bing.

Panununtok, pambubugbog at pagkuyog ang naranasan umano ni Rimiley Ramos o Bing, 37-taong gulang, nakatira sa Taguig, sa kamay ng kanyang asawang si Arlando Ramos o “Arland” at sa pamilya nito. Taong 1999 nang kunin siya ng kanyang tiyahin sa Taguig para mag-alaga ng pinsan. Dito niya nakilala si Arland. Madalas magkita ang dalawa kaya naman naging malapit sila sa isa’t-isa. Niyaya siya nito na mamasyal sa probinsiya nila sa Nueva Ecija. “Nung una nagdadalawang- isip ako pero nung huli pumayag na ako para naman makakita ako ng ibang lugar,” wika ni Bing. Dinala siya ni Arland sa bahay ng lolo nito. Nasa iisang bubong man daw sila magkahiwalay naman silang natulog. Makalipas ang tatlong araw isinama siya ni Arland sa bahay ng mga magulang. “Ipinakilala ako sa mama niya. Nagagalit ito kasi bakit daw may iniuwi siya,” ayon kay Bing. Ilang araw ang nakalipas umuwi sa Maynila si Bing ngunit muli rin nagbalik sa bahay nina Arland. “Gusto kong subukang mabuhay mag-isa kaya dun ako naghanap ng trabaho. Tumira ako sa kanila pero sinabi kong titingin ako ng mauupahan,” salaysay ni Bing. Hunyo ng taong 2000 nang magkayayaang mag-inuman ang dalawa. “Nalasing ako tapos pinahiga niya ako,” ayon kay Bing. Binulungan umano siya ni Arland na gusto na siya nito. Nang gabi ring yun ay uminit silang dalawa. Nagsimula na siyang halikan ni Arland sa pisngi…sa labi pababa sa leeg. “Mas mamahalin kita kaysa sa boypren mo,” bulong umano nito sa kanya. Sa kwarto ni Arland sa silong ng kanilang bahay una silang nagtalik. “Nagsama na kaming dalawa. Disyembre 2000 buntis na ako. Dun ko lang sinabi sa magulang ko na hindi ako makakauwi,” wika ni Bing. Gusto ng mga magulang ni Arland na makasal sila ngunit nagdadalawang-isip pa si Bing dahil iba umano ang ugali nito kapag nalalasing. “Sabi nila sa akin hindi raw ako makakapanganak sa ospital kapag walang marriage contract kaya kami nagpakasal noong Setyembre 19, 2001 sa Huwes,” kwento ni Bing. Matapos ang kasal mas nakita ni Bing ang tunay na ugali ng asawa. Inom nang inom at madalas daw itong magalit at nagwawala. Nung nabuntis siya sa pangatlo dun na siya nagsimulang makatikim ng sampal mula sa asawa. Sinasabihan din daw siya ng biyenan na huwag pigilan ang anak kapag umiinom. Pakiramdam niya nakukuyog siya ng mga ito dahil ma­ging ang mga kapatid ay nakikialam.

May pagkakataon pang nauntog siya sa may upuan habang nagwawala si Arland. Ito ang dahilan kung bakit away-bati silang dalawa. “Nambababae na rin siya at hindi na nagbibigay ng pera. Umuwi na ako rito sa Maynila nung ikaapat naming anak. Lagi ko pa rin siyang pinapatawad,” sabi ni Bing. Lumipas ang panahon hindi na tumawag si Arland sa kanya. Nalaman na lamang ni Bing na may iniuwi umano itong babae sa bahay ng mga magulang. Tinawagan niya ang numero ng mister nang maipagtanong niya ito sa kanilang mga kaibigan ngunit tinig ng isang babae ang sumagot dito. “Sino ka? Bakit nasa ’yo to?” tanong ni Bing. “Nagpalit kami ng asawa ko,” sagot umano sa kanya. Nakumpirma ni Bing ang kasagutan sa kanyang mga tanong. Nagalit si Bing at agad-agad siyang nagpunta sa Nueva Ecija. Pagdating dun, nagka­sabunutan silang dalawa. Hindi siya nagpatalo kahit may katabaan ito. Nagalit umano ang mga kamag-anak ni Arland kay Bing sa kanyang ginawa. Pinangaralan ng tiyuhin si Arland at ang kinakasama. Sinabing maaaring masampahan sila ng kaso ni Bing. Siya ang pinili ng asawa kaya naman umalis ang nasabing babae sa bahay nina Arland. “Nakiusap ang nanay niya na hanapan ko ng trabaho sa Maynila si Arland. Pamilya ko ang gumastos sa lahat,” salaysay ni Bing. Nangako daw si Arland na magbabago na siya. Nagkatrabaho ito at sa Cavite nadestino ngunit kalaunan napag-alaman niya may babae na naman ito. Madalas siyang saktan ng mister kapag umuuwi at lagi silang nag-aaway. “Kapag sobra na lumalaban ako. Tinutulak ko siya. Nagbabasag siya ng mga gamit namin sa bahay kaya nauubos,” kwento ni Bing. Taong 2012 naman nang kasuhan si Arland nang ma-assign ito sa logistics. Ibinangga umano nito ang truck na hindi naman siya ang nakatokang driver. Lasing ito nung mga panahong yun. Kaya pansamantala itong nagtago. Nawalan na sila ng komunikasyon hanggang sa magpakita ito noong 2013. “Napansin ko hindi na siya tulad nang dati. Agosto nagpunta ako ng Nueva Ecija. Nagtanung-tanong ako.  Araw-araw daw siyang nag-iinom at may babae daw,” kwento ni Bing. “Mahal wag ka na magttxt. Dto asawa ko,” nabasa ni Bing sa cellphone ng Mister. Nag-away sila at wala na raw pakialam si Bing sa ginagawa niya. Tanging ang bunso lamang nila ang nasa pangangalaga ni Bing. Pinatapos niya muna ang apat sa pag-aaaral sa Nueva Ecija. Nais niyang makuha ang lahat ng kanyang anak at gusto niyang sustentuhan ito ni Arland. Ito ang dahilan ng paglapit niya sa aming­ tanggapan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Bing. BILANG TULONG ini-refer namin si Bing sa Department of Justice Action Center (DOJAC) kay Atty. Perla Duque upang makapagsampa ng kaukulang kaso. SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ilang ulit na kayong nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ng asawa mo. Sa pananakit niya sa ‘yo maaari kang magsampa ng kasong RA 9262 o ang Violence Against Women and their Children. Kailangan mo rin ng medico-legal report para mas mapatunayan ang mga pananakit niya sa ’yo. Ang pangamba lamang namin ay baka ginagamit lamang nitong si Bing ang kanyang menor-de-edad para makasuhan ang asawa upang mabalik ang asawa mo at iwanan ang mga babae niya, huwag naman sana. Timbangin mo rin Bing ang iyong sarili dahil baka isang himas lang at humingi ng tawad itong asawa mo ay patawarin mo na siya dahil kapag nangyari yun meron tinatawag na CONDONATION kung saan di mo na pwedeng kasuhan ng pananakit (battered wife) at para sa bata na lamang ang matitirang kasong haharapin niya. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal mag­punta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038.

 

Show comments