‘Glow in the dark’ na highway sa Netherlands, binuksan na sa mga motorista

BINUKSAN ang isang highway sa Netherlands na aakalaing pangkaraniwang kalsada lamang sa umaga ngunit nagliliwanag pala kapag madilim na. ‘Glow in the dark’ kasi ang ginamit na pintura sa mga linya at traffic signs sa nasabing highway kaya hindi na kailangang gumamit ng mga bumbilya para lumiwanag ang dinadaanan ng mga motorista.

Ang highway ay nasa Oss, isang bayan sa Netherlands na may 100 kilometro ang layo sa Amsterdam. Sa nasabing bayan unang sinubukan ang makabagong paraan ng pagpapailaw sa kalsada.

Ang ginamit na pintura sa highway ay nagliliwanag kapag madilim dahil mayroon itong sangkap na ‘photo-luminising’ powder na nagbibigay kakayahan sa pintura na mag-ipon ng liwanag kapag may araw pa at saka naman magbigay ng liwanag kapag madilim na. Aabot sa walong oras ang pagbibigay liwanag ng mga pintura habang madilim pa.

Ginawa ang proyekto upang makatipid ang gobyerno ng Netherlands sa kuryente dahil hindi na kakailanganin ang mga bumbilya sa kalye. Makakabuti rin ang mga ‘glow in the dark’ na pintura para sa kalikasan dahil ang mas mababang pagkonsumo ng kuryente ay magdudulot ng mas mababang carbon emissions na dahilan ng global warming.

Ayon sa nagdisenyo ng highway, pumasok sa isip niya ang ‘glow in the dark’ na pintura nang makakita siya ng mga jellyfish sa dagat na nagliliwanag kapag madilim. Ito ang nagbigay sa kanya ng inspirasyon na maghanap ng paraan kung paano maiilawan ang mga kalsada ng hindi gumagamit ng kuryente o ng mga solar panel.

May plano na rin ang ibang bansa katulad ng United Kingdom na gawing ‘glow in the dark’ ang kanilang mga kalsada kung magiging matagumpay ang proyektong ito sa Netherlands.

 

Show comments