UNTI-UNTING nag-aalisan ang weather fore- casters ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA). Noong nakaraang taon lamang, umalis si Nathaniel Servando bilang PAGASA administrator at nagtungo sa Qatar para maging weather specia-list. Malaki ang suweldo at maraming benefits ang ipinagkaloob kay Servando.
Noong 2010, umalis din sa PAGASA si weather forecaster Prisco Nilo na ngayon ay nasa Australia umano at kumikita rin nang malaki roon. Bago ang pag-alis ni Nilo sa PAGASA, nasabon siya ni President Noynoy Aquino dahil hindi accurate ang paghahatid ng report sa bagyong Basyang na tumama sa bansa noong Hulyo 2010.
Ngayong buwan na ito, mayroon na namang umalis na forecasters. Tatlong forecasters ang nagtungo sa Qatar para maging weather specialist. Ang tatlo ay sina Ramon Agustin, Bernie de Leon at Ralph Ricahuerta. Ang tatlo ay kinuha ng Qatar Bureau of Meteorology bilang airport forecasters. Malaki umano ang suweldo ng tatlo at sagana rin sa benepisyo.
Maaaring wala nang matitirang forecasters sa PAGASA kung hindi gagawa ng agarang hakbang ang gobyerno ukol dito. Inirereklamo ng mga forecaster na hindi pa nila natatanggap ang kanilang mga benepisyo. Anim na buwan na umanong atrasado ang pagbibigay nito. Ipinangako raw ito noong nakaraang taon pero hanggang ngayon, hindi pa ibinibigay.
Pagkalooban nang sapat na suweldo at benepisyo ang forecasters. Malaki ang kanilang papel sa pag-monitor ng mga bagyo at sama ng panahon. Ang bansa ay palaging dinadalaw ng mga bagyo taun-taon at paano kung mag-alisan ang mga forecaster? Kawawa ang mamamayan sapagkat walang magsasabi kung nasaan ang bagyo. Ngayong papalapit na naman ang pananalasa ng mga bagyo, nararapat na kalingain ang weather forecasters. Tingnan at unawain ang kanilang kalagayan.