Madrasta

ANG aking  Lola Teofila or Lola Pilang (ina ng aking ina) ay maagang naulila sa ina kaya ang mabait niyang ama, si Tatay Ule  lamang ang nagtaguyod sa kanilang dalawang magkapatid. Palibhasa ay dalawa lang magkapatid, nakakaluwag sila sa buhay. Malawak ang lupain ni Anda Ule. Sila ang may pinakamalaking tindahan sa kanilang barangay. Nang mag-asawa si Lola Pilang, nakiusap ang kanyang ama na doon na lang sila tumira. Ang bunsong kapatid ni Lola Pilang ay may asawa na rin at nagsasarili na ito. Naaawa si Lola Pilang sa kanyang ama kaya hindi na ipinagpaliban muna ng bagong kasal na magpagawa ng sariling bahay at doon pumisan sa bahay ng kanyang ama.

Nagkaroon ng walong anak si Lola Pilang. Isa na dito ang aking ina. Palabigay ang ama ni Lola Pilang sa kanyang mga apo. Kapag may hinihingi sila sa kanilang mga magulang at hindi naibigay, sa kanilang Anda Ule sila tumatakbo dahil nakakaseguro silang makakamit ang bagay na nais nilang bilhin.

Dumaan ang maraming taon, muling tumibok ang puso ng biyudong si Anda Ule. Nagulat na lang isang araw ang buong mag-anak ng aking ina nang iniuwi ni Anda Ule sa kanilang bahay ang pangalawa nitong asawa, si Fermina.

O, magmano kayo sa inyong Anda Fermina, sabi ni Anda Ule sa mga apo. Natatandaan ng aking ina, natulala raw ng ilang minuto si Lola Pilang. Siguro kung gagamitin natin ang usong salita ngayon sa sitwasyong iyon, ang magiging dayalog ng aking Lola Pilang sa kanyang ama ay : Agad-agad, iniuwi mo ang babaeng ‘yan na ngayon lang namin nakilala?

Noon nagsimula ang malaking pagbabago sa buhay ng pamilya ng aking ina. Nawala na ang pagiging malambing ni Anda Ule sa kanyang mga apo. Naging madamot pa ito sa pagkain. Dati ay magkakasama sila sa pagkain ngunit nang iuwi si Fermina sa bahay, humiwalay na ng pagluluto si Anda Ule at asawa nito. Kung dati ay nakakahingi ng baon ang aking ina sa kanyang lolo, ngayong may Fermina na ito ay bawal nang humingi ng kahit ano. Sasabihin daw sa kanila ni Fermina nang marinig na nanghihingi sila ng baon sa kanilang lolo: Sa inyong ama at ina kayo humingi ng baon. Ito ang naging daan upang magkasagutan sina Lola Pilang at Fermina. Halos mayanig ang buong pagkatao ni Lola Pilang nang makisali sa away si Anda Ule at sinabihan siyang: Kung hindi mo kayang pakisamahan ang iyong madrasta, lumayas kayo sa pamamahay ko ngayon din! (Itutuloy)

             

Show comments