ISANG dating monghe ang gumawa ng katedral sa Madrid, Spain na maiihalintulad sa basilika ng St. Peter sa Roma. Ang katedral ay aakalaing gawa ng mga ekspertong arkitekto. Marami ang namangha nang malaman na ang katedral ay mula sa mga ni-recycle na gamit. Limampung taon niyang ginawa ang katedral.
Ang nagtayo ng katedral ay si Justo Gallego Martinez, 86-anyos, dating monghe.
Tumigil sa pagiging monghe si Justo dahil nagkaroon siya ng tuberÂculosis. Naging malubha ang kanyang karamdaman kaya namanata siya sa Birheng Maria na kung siya ay gagaling ay magtatayo siya ng isang chapel na kanyang ipapangalan sa kanya.
Gumaling si Justo mula sa tuberculosis kaya naman hindi siya nagdalawang-isip na tuparin ang kanyang panata kahit wala siyang kaalam-alam sa arkitektura o sa pagtatayo ng mga gusali. Nag-ipon siya ng mga kagamitan na karaniwang itinatapon na o ipinagbebenta sa mga junk shop tulad ng mga lumang bakal at mga plastic na bote.
Gamit ang isang crane at katulong lamang ang kanyang mga kamag-anak ay nagawang magtayo ni Justo ng higit pa sa isang chapel na kanyang ipinangako. Kasinglaki ng isang katedral ang nabuo ni Justo sa loob ng 50 taon.
Kahit si Justo ay namamangha sa kanyang nagawa at nagpapasalamat siya sa Panginoon para rito. Ayon sa kanya, kung uulitin niya ang naging buhay, gagawa uli siya ng isang katedral at dodoblehin pa niya ang laki.
Walang hininging permiso si Justo mula sa mga kinauukulan at sa SimÂbahang Katolika sa pagtatayo ng katedral. Hinayaan lamang siya dahil sa dami na rin ng turista na dumadayo upang makita ang kakaibang simbahang nilikha ni Justo.