SI Meng Xianyen at Meng Xianyou ay magkapatid na nagtratrabaho sa isang minahan ng uling sa China. Aksidenteng gumuho ang minahan at na-trap ang dalawa. Dahil ilegal ang minahan, wala man lang itong mga emergency exit o mga daanan ng hangin kaya wala nang umasa na maililigtas pa ang dalawa. Ito ang dahilan kung bakit pagkatapos lamang ng isang araw ng search and rescue mission ay tinigilan na ang paghahanap sa kanila.
Tinanggap na rin ng pamilya ng mga minero na wala na ang dalawa at alinsunod sa kanilang kaugalian ukol sa mga namayapa ay nag-alay ang mga pamilya ng insenso at pagkain sa gumuhong minahan kung saan pinaniniwalaang nalibing nang buhay ang magkapatid.
Kaya naman gulat na gulat ang lahat nang lumitaw ang da-lawa limang araw matapos gumuho ang minahan. Hinang-hina ang dalawa dahil sa gutom at uhaw.
Ayon sa dalawa, nang maramdaman nilang wala nang naghahanap sa kanila ay sinimulan na lamang nila ang paghuhukay palabas ng minahan gamit ang kanilang mga kamay at mga natitirang gamit na pangmina. Ginamit nilang ilaw ang kanilang mga cell phone na tumagal ng dalawang araw. Nang maubos ang baterya ng mga ito ay nangapa na lamang sila sa dilim habang naghuhukay.
Dahil sa gutom, napilitan ang dalawa na kainin ang mga uling na kanilang minimina. Marahil dahil sa matinding gutom ay nasarapan daw sila sa lasa ng mga ito. Nagawa rin nilang inumin ang kanilang sariling ihi dahil sa uhaw.
Nakapaghukay ang magÂkapatid ng 66 na talampakan gamit ang kanilang mga kamay at ilang kagamitan.
Itinuring na bayani ang dalawa matapos silang makaligtas sa aksidente. Isa ang China sa mga bansang may pinakamaraming aksidente sa mga minahan. Umaabot sa halos 5,000 ang namamatay sa mga minahan sa China taun-taon.
Ang magkapatid na Meng Xianyen
at Meng Xianyou.