MAY panawagan ang CBCP na magbakasyon muna ang mga senador at kongresista at iba pang opisyal ng gobyerno na napasama sa listahan ni dating senador at ngayoy rehabilitation czar Panfilo Lacson sa Senate Blue Ribbon Committee.
Batay sa listahan, mayorya ng mga senador at maraming kongresista ang nasasangkot sa listahan ni Janet Lim Napoles na nakinabang sa kani-kanilang PDAF o pork barrel funds.
Ayon kay Bishop Roderick Pabillo, public affairs committee chairman ng CBCP, makabuÂbuting magbakasyon muna ng anim na buwan hanggang isang taon o hanggang matapos ang imbestigasyon ang mga sangkot sa pork barrel scam.
Dito malalaman kung may delikadesa ang mga mambabatas at opisyal ng gobyerno lalo ang mga senador na naunang nag-ingay at dumikdik kina Senate minority leader Juan Ponce Enrile, Sen. Ramon Revilla at Sen. Jinggoy Estrada na kinasuhan ng plunder sa Ombudsman. Mayroon pang komentaryo ang ilang senador noon na dapat magbakasyon na raw ang tatlo pero yun pala, napakarami nilang sangkot sa pork barrel scam.
Hindi naman nangangahulugan na kung magbakasyon ang mga senador at kongresista at iba pang opisyal ng gobyerno na dawit sa eskandalo ay guilty na agad ang mga ito. Patutunayan lamang ng mga ito sa taumbayan na sila ay may delikadesa at handang sumaÂilalim sa imbestigasyon.
Ayon kay Pabillo, hindi naman maapektuhan ang trabaho ng gobyerno kahit wala muna ang Kongreso dahil wala naman talaga silang ginagawa. Hindi maaring ikatwiran ng mga sangkot sa PDAF scam na wala namang sapat na dokumentong inilalabas ang listahan na umano’y galing kay Napoles.
Maaaring wala pa nga sa kasalukuyan at kahit hindi pa nalagdaan ang lumabas na umanoy affidavit ni Napoles gayundin ang listahan naman ni Benhuy Luy ay makakabuting ipakita ng mga mambabatas na sila ay magpapasailalim sa imbestigasyon at kapag naabsuwelto, saka na lamang bumalik sa tungkulin. Dapat ding magpasailalim sa lifestyle check ang mga senador at kongresista at iba pang opisyal na dawit sa PDAF scam at patunayan na ang kanilang tinatamasang yaman ay hindi nanggaling sa pagnanakaw.
Sana, huwag kalimutan ng mga opisyal ng gobyerno na ang public office ay public trust. Tiyaking malinis sila at walang bahid ng alinlangan sa taumbayan.