EDITORYAL - Nasaan ang mga pulis kung gabi?

NASAAN kaya ang mga pulis kung gabi at walang makitang nagpapatrulya sa kalye?

Noong Linggo ng madaling araw, dalawang “mad killers’’ na nakasakay sa motorsiklo ang walang awang pumatay sa limang inosenteng tao. Pinagbabaril ng mga suspek ang bawat makita sa kahabaan ng Rega­lado Avenue sa Quezon City. Kung may nagpa­patrulyang pulis sa lugar maaaring hindi napatay ang limang si­bilyan. Nangyari ang pamamaril ng ala-una ng madaling araw at marami pang taong yumayaot sa lugar.

Unang binaril ng “mad killers” ang isang lalaking nakamotorsiklo. Ayon sa isang sekyu, nakarinig siya ng putok at nang tingnan, nakabulagta na ang lalaki. Binaril ito nang malapitan at tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Makalipas ang ilang minuto, isang babae na kabababa lamang umano sa bus at galing sa trabaho ang binaril at namatay noon din. Makalipas pa ang ilang minuto, isang lalaki at babae na magka­angkas naman sa motorsiklo ang binaril din. Bibili lamang ng gamot ang dalawa nang pagbabarilin. Makaraan pa ang ilang minuto, isang lalaking nagkakalkal ng basura ang pinagbabaril din ng “mad killers”.

Natagpuan ang mga basyo ng bala mula sa 9mm na baril.

Hanggang ngayon, nangangapa pa ang Quezon City Police District sa nangyari. Wala pa silang makitang lead sa pagkakakilanlan ng “mad killers”. Marami nang natatakot sa pagsalakay muli ng “mad killers’’.

Kayanin kaya ng QCPD na hulihin ang “mad killers” o ang kaya lamang nilang dakmain ay ang magkasintahan o magsing-irog na nasa loob ng kotse at nagla-loving-loving. Gaya ng magkasintahan na nasa loob ng kotse at naka-park sa isang lugar sa New Manila Quezon City. Nilapitan ng tatlong pulis QC at kinasuhan ng public scandal. Pero maaari naman “maayos’’ kung magbibigay ng P20,000. Natiklo ang tatlong pulis QC dahil kaklase pala ng babae ang anak ng PNP spokeperson. Sibak ang mga kotongero.

Mahalaga ang police visibility at dapat itong ma­laman ng PNP chief at pati ng hepe ng QCPD. Pagpatrulyahin n’yo ang mga pulis! O hihintayin pang maulit ang pamamaril?

Show comments