APAT na buwan nang nasa Port of Manila ang 50 containers na puno ng basura na nanggaling sa Canada. At walang ginagawang aksiyon ang Canadian Embassy para maibalik sa kanilang bansa ang sandaÂmukal na basura. Basura as in nakakasukang mga basura ang laman ng 50 containers --- ginamit na adult diapers, mga plastic at iba pang household wastes ang laman.
Dumating ang cargo noong Enero 21, 2014 at ang pagdadalhan ay isang plastic company sa Valenzuela City – ang Chronic Plastics. Ayon sa Bureau of Customs, nanggaling ang containers sa Ontario, Canada.
Halos bumaliktad ang sikmura ng mga taga-Customs nang buksan ang containers at tumambad ang mga basura. Punumpuno ng basura na walang ipinagkaiba sa mga basurang narito na sa bansa. NakaÂpagtataka na dinala pa rito sa bansang maraming basura ang sandamukal na basura. Kailangan pa bang umangkat ng basura.
Maski ang Canadians ay hiyang-hiya sa ginawa ng kompanya sa Ontario na nagpadala ng mga basura. Nananawagan sila sa kanilang pamahalaan na i-retrieveÂÂ ang mga basurang nasa Port of Manila. Ayon sa isang Canadian, ang basura ng kanilang bansa ay hindi dapat dinadala sa ibang bansa. Ang basura nila ay nararapat na sa kanila. How horrible daw ang nangyari na ang kanilang basura ay dinala sa Pilipinas.
Ayon pa sa isang Canadian, bakit daw napakatagal bago i-retrieve ng kanilang gobyerno ang mga container ng basura. Inabot na raw ng apat na buwan. Dapat ibalik na ang mga ito. Nakakahiya sa Pilipinas ang ginawa ng Canadian firm.
Ang Canada ay mahigpit ang batas ukol sa kanilang environment. Lahat nang nakasisira sa kapaligiran ay ipinagbabawal. Nakapagtataka kung bakit hinayaan nilang makalusot ang 50 containers ng basura at dinala sa bansa. Gusto nilang maging malinis ang kanilang bansa sa hazardous waste pero hindi nila iniisip ang kalagayan ng ibang bansa. Bakit pinahintulutan nilang itapon ang kanilang basura sa Pilipinas? Alisin nila ang basura sa lalong madaling panahon!