HINDI magtatagal at magkakaroon na ng kaganapan ang Bangsamoro region. Magkakaroon na sila ng sariling identity. Ang sinimulan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay magkakaroon na ng kaÂtuparan. Pagkaraan nang matagal na pakikihamok sa pamahalaan, abot kamay na lamang ang minimithing pagsasarili na magbubunga nang pag-unlad ng Mindanao at mamamayan doon.
Subalit makakamit ba ang lubusang kapayapaan at katahimikan sa rehiyon kung ang pamahalaan lamang ang lulupig sa mga naghahasik ng lagim, gulo at iba pang masasamang gawain. Mahirap matamo ang katahimikan kung ang kikilos lamang ay ang pamahalaan, dapat mayroong katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon. Kailangang suportahan ang pamahalaan para maging ganap ang kapayapaan.
Ang mga Abu Sayyaf ang nagbibigay ng problema sa Mindanao. Walang patid ang kanilang pangingidnap at ipinatutubos. Ngayong taon na ito, 23 kidnapping cases na ang naitala sa Basilan, Sulu, Zamboanga at Lanao provinces. Kamakailan lang, isang Pinay resort worker at isang Chinese tourist ang kinidnap ng Abu Sayyaf sa Malaysia at dinala sa Sulu. Hanggang ngayon, hawak pa ng Sayyaf ang mga bihag.
Noon pa, problema ng bansa ang Sayyaf. Marami na silang kasalanan sa mamamayan at bansa. NataÂtakot na ang mga turistang magtungo sa bansa at baka makidnap. Ngayong nakipagpirmahan na ang MILF sa pamahalaan para sa pagbubuo ng isang rehiyon, sana naman tumulong sila sa pagsawata sa Abu Sayyaf. Makiisa sila sa paglupig sa mga taong ang hangad ay kaguluhan. Alam namin, kaya nila itong gawin. Para rin ito sa isisilang na bagong rehiyon.