ISANG lalaki sa Sao PaoÂlo, Brazil ang kumikita sa pamamagitan ng pagpayag na gawing billboard ang kanyang katawan para i-advertise ang iba’t ibang produkto.
Si Edson Borim, 39, ay naging hanapbuhay na ang magpa-tattoo ng iba’t ibang brands sa kanyang katawan. Nagsimula ang kaniyang kakaibang raket walong taon na ang nakakalipas nang hamunin ng isang kaibigan na magpa-tattoo ng isang brand ng brandy na kanilang iniinom noon sa isang bar. Hindi naman umatras sa hamon si Edson kaya nagpa-tattoo siya sa likuran ng logo at imahe ng brandy.
Kumalat sa mga kaibigan ni Edson ang ginawa niyang pagpapa-tattoo kaya naman naisip ng isa sa mga ito na mag-request sa kanya na ipa-tattoo ang logo ng kanyang negosyo. Noong una ay inakala niyang hindi papayag si Edson na maging walking advertisement para sa kanyang negosyo ngunit nalaman na lamang niya na ipina-tattoo na ni Edson ito kaagad. Binayaran naman niya si Edson. Umabot na sa siyam na logo ng kanyang negosyo ang naipapa-tattoo sa katawan ni Edson.
Nagsunuran din ang ibang kaibigan ni Edson na ipa-tattoo ang logo ng kanilang mga negosyo. Paliwanag ng isang kaibigan, ginagawa nila ang pagpapa-‘advertise’ hindi lamang para lumakas ang kanilang negosyo kundi pati na rin upang makatulong sa kaibigan nilang si Edson na madalas ay walang trabaho. Sa ganitong paraan, hindi lamang sila nakakagawa ng publicity para sa kanilang mga produkto o serbisÂyo, nakakapagbigay rin sila ng hanapbuhay sa kanilang kaibigan. Kumikita si Edson ng 50 hanggang 400 Brazilian real (P1,000 hanggang P8,000) bawat tattoo, depende sa laki at sa kung saang parte ng katawan niya ito ilalagay.
Sa ngayon, palakad-lakad si Edson ng walang suot na pang-itaas sa mga kalye ng Sao Paulo upang i-advertise ang mga brand na naka-tattoo sa kanya.