NITONG nagdaang linggo, ang series ng mensahe sa aming simbahan ay tungkol sa pagiging blessing sa ibang tao dahil ikaw ay blessed. Dahil biniyayaan ka, dapat maging biyaya ka rin sa iba -- dahil ito ang pangunahing dahilan kung bakit ka pinagpapala. Ngayong Mahal na Araw, pagnilayan ang inyong blessed life, nang sa gayon ay maibalik n’yo rin sa Itaas ang inyong mga biyaya sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa.
• Kung gusto mong matamo ang mga biyayang hinihiling mo, kailangan mong manalig sa Diyos at sundin ang mga utos Niya.
• Ang pagsunod ang tunay na ebidensiya ng iyong paniniwala.
• Sa pagiging blessing sa mga tao, dapat ay nangunguna ka. Hindi mo na hinihintay na hingin pa ang tulong mo.
Manalig at ipagkakaloob sa iyo ang mga hinihingi mo. Mas mainam ang maliit na pananalig kung sa tamang mga bagay naman kaysa lubos na paniniwala pero sa mali.
Maging mapagbigay sa mga pangangailangan ng kapwa.
Sa mundong pabagu-bago, Siya lang ang hindi nagbabago. Kaya dapat ay nakakapit ka sa Kanya.
Ikaw ay biniyayaan upang maging daan ka at mabiyayaan din ang iba. Ikaw ay isang instrumento lamang upang padaanin ang mga blessing para sa iba. Huwag iisiping ang mga ibinigay sa iyo ay para sa iyo lang. Ibinigay yan sa iyo upang maibahagi mo sa iba.
Hangarin ng Diyos na matamo natin ang ating potensiyal upang maging biyaya tayo sa iba.
Huwag matakot sa mga hamon ng buhay. Pinangako ng Diyos na Siya ay naririyan kaya wala tayong dapat ipangamba. Fear not for I am and I will.
Ipinangangako ng Diyos na ang hangad Niya ay ang pinakamainam para sa atin. Manalig at maniwalang tutuparin Niya ang mga pangako sa paraang pinakamainam.
May tinatawag na conditional promise -- mga biyayang kung nais mong matanggap ay dapat mong paghirapan sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos at kondisyon. Ano lang ba ang hinihiling ng Diyos? Na mahalin Siya ng buong puso, at ang ating kapwa tulad ng pagmamahal natin sa ating mga sarili.
Para matanggap ang Blessed Life, nararapat nating gawin ang ating parte. Nangako ang Diyos, may dapat din tayong gawin para matupad at ipagkaloob sa atin ang promises Niya. Ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos.
Mataas ang hangarin para sa atin ng Diyos. Sumunod lamang sa bawat utos Niya at mararating ang destinasyong hindi mo akalain.