EDITORYAL - Dapat nang ‘isabit’ ang glab

KUNG noon ay wala sa isipan ni Jinkee Pacquiao na pagretiruhin ang asawang si Manny, ngayon ay iba na ang hinihiling niya. Gusto niyang tumigil na si Manny sa pagboboksing. Wala na raw dapat pang patunayan si Manny sapagkat naipakita na nito lahat ang kakayahan sa boksing, Naipamalas na raw nito sa mundo na siya ang pinaka-mahusay na boksingero kaya panahon na para huminto sa pagboboksing. Ayon pa kaya Jinkee, kasalukuyang vice governor ng Sarangani, 35 anyos na ang kanyang asawa kaya nararapat nang magpahinga. Maski ang kanilang mga anak ay humihiling din na magretiro na ang ama sa boksing.

Tinalo ni Manny si Timothy Bradley noong Linggo sa pamamagitan ng unanimous decision. Ikalawang paghaharap nila ni Bradley. Tinalo siya ni Bradley sa unang bout noong 2012. Nagkasunod-sunod ang talo ni Manny makaraan iyon. Ang pinaka-malaking pagkatalo ni Manny ay nang pabagsakin ni Juan Manuel Marquez ng Mexico. Tumaob si Manny nang masapol ng kanan ni Marquez.

Sa laban kay Bradley noong Linggo, bagama’t malakas at mabilis si Manny, hindi na siya kasing agresibo gaya ng dati. Marahil ay dahil sa nagkakaedad na. Nababawasan na ang bangis. Pero sabi ni Manny, makaraang manalo kay Bradley, ang kanyang journey sa boxing ay magpapatuloy. Umuugong na ang sunod na makakalaban ni Manny ay si Floyd Mayweather Jr. Sabi ni Manny, open siya 24-7 laban kay Mayweather.

Para sa amin, dapat nang magretiro si Manny.    Huwag nang hintayin pa na mabahiran uli ng pagkatalo ang record niya. Tama ang kanyang maybahay na si Jinkee na naipakita na niya ang lahat. Ano pa ba ang ipakikita niya?

“Isabit” na ang glab. Ibaling na sa pamilya ang mga oras.

 

Show comments