SI Anthony Van Loo, 20, ay football player mula Belgium. Taon 2008 nang siya ay ma-diagnose na maysakit sa puso. Sa kabila nito, pinayagan pa rin siya ng kanyang koponan na ituloy ang kanyang paglalaro sa kondisyon na magpapalagay siya sa kanyang puso ng tinatawag na built-in defribillator. Ang defribillator ay mekanismo na magbibigay ng boltahe sa puso upang tumibok uli sakaling tumigil dahil sa atake. Sinasabing si Anthony lamang ang tanging atleta na may defribillator.
Noong 2009, nasubukan kung epektibo ba talaga ang nasabing defribillator. Nasa kalagitnaan si Anthony ng laro nang siya ay bigla na lamang matumba at humandusay sa gitna ng football field. Karaniwan na ang pagtumba sa larong football dahil isa itong contact sport ngunit alam ng lahat na hindi pangkaraniwan ang pagbagsak ni Anthony dahil wala namang ibang manlalaro na malapit sa kanya.
Atake na pala sa puso ang sanhi ng pagtumba ni Anthony. Dahil alam ng mga teammate niya ang kanyang kondisyon sa puso, agad tumakbo ang mga ito papunta kay Anthony upang tulungan. Nang makalapit, nasaksihan nila kung paano gumagana ang defribillator na nasa puso ni Anthony. Maya-maya, biglang nangisay ng bahagya si Anthony habang walang malay. Pagkaraan ng ilang sandali, nagising si Anthony at bumangon na parang walang nangyari.
Itinakbo pa rin si Anthony sa ospital upang masiguro na ligtas na ito sa kalagayan.
Gumaling si Anthony matapos ng insidente. Sa katunayan, sa kabila ng nangyaring atake, tuloy pa rin si Anthony sa pagÂlalaro ng football.