Tandem na naman!

Nitong mga nakalipas na araw, nagkasunod-sunod na naman ang pag-atake ng mga riding in tandem na kriminal at karamihan sa mga insidenteng ito ay mga barangay official ang binanatan partikular sa lungsod ng Caloocan.

Talagang hindi maitatagong nalusutan na naman ang mga pulis sa pagsalakay ng mga ito.

Pinakahuli ay noong nakalipas na Miyerkules kung saan isang corporate lawyer ang inambus ng sinasabing tandem sa  may Sta Ana, Maynila.

Lulan ng kanyang kotse si Atty. Clementa Laudencia nang paulanan ng bala ng baril ng mga suspect. Namatay ang biktima habang ginagamot sa Sta Ana Hospital.

Noon naman nakalipas na Martes, binaril at napatay din ng tandem na suspect si Barangay Chairman Pedro Ramirez sa Caloocan.

Marso 2 ng taong kasalukuyan ay binaril at napatay din ng riding in tandem na kriminal ang isa pang barangay chairman na si Alejandro Bonifacio sa lungsod din ng Caloocan. Marso 22, pinagbabaril si Kagawad Luisito Banzon sa nasabi ring lungsod ng mga suspect na lulan din ng motorsiklo.

Alarming na raw ang nangyayaring ito, at talagang walang pinipiling oras ang mga kriminal na nakasakay sa motorsiklo, umaga at gabi, tumitira.

Hindi yata napababa ng mga checkpoints ng pulisya at maging ng kanilang ‘Oplan Sita’ ang pag-atake ng mga tandem. Madalas pa ring nakakalusot ang mga ito.

Baka kailangan pang lalong paigtingin ang kam­panya laban sa mga nagkalat na kriminal at kawatan.

 

Show comments