SA aming probinsiya, ‘kulang-kulang’ ang tawag namin sa taong ang level ng pag-iisip ay nasa gitna ng boundary ng matino at baliw. Pang-adult na ang edad pero pang-toddler ang takbo ng isipan. Kulang-kulang ang tawag dahil kulang sa points para umabot ang kanyang ‘intelligence’ sa normal level.
Noong nasa elementary ako, may kulang-kulang na katulong na babae ang aming kapitbahay. Paglilinis lang ng bahay ang ipinagkakatiwala sa kanya. Kasi nga, iyon lang ang nagagawa niya nang walang pagkakamali. Madalas ay kinakausap ko siya kapag wala siyang ginagawa at nakatunganga lang sa harapan ng bahay ng amo niya. Pampalipas ko siya ng oras kapag wala akong makalaro. Sampung taon ako at siya, sa tantiya ko, ay 15 hanggang 17 taong gulang. Non-sense siyang kausap pero napagtitiyagaan ko siya. Siguro ang kakulangan ng kanyang pag-iisip ay nagbibigay sa akin ng superiority complex. Palibhasa’y inferiority complex ang totoong namamahay sa aking pagkatao kapag normal na tao ang aking kaharap.
Naku, napaka-ilusyunada ni Yolanda. Kasing lakas ng bagyong Yolanda ang kanyang mga ilusyon sa buhay. Ang mga guwapong binata sa aming kalye ay itsitsismis niyang nanliligaw sa kanya. Bata pa ako’y magaling na akong ‘sumakay’ sa mga ilusyonada. Napapaniwala ko ang aking kausap na naniniwala ako sa kanyang mga sinasabi. Idadagdag pa niya na luluwas daw siya ng Maynila para doon pag-aralin ng kanyang amo. Nasisilip ko sa kanyang mga mata at labi ang kaligayahan habang nagtatahi-tahi siya ng kanyang mga pantasya sa buhay. May kasabay pa iyong pagtalsik ng kanyang mga laway habang nagkukuwento.
Sa haba ng panahong lumipas, ngayon ko lang napagtanto na pareho pala kaming nakakapag-ambag ng kaligayahan sa isa’t isa habang nagkukuwentuhan kami nang walang kakuwenta-kuwenta. Ako ang nagiging outlet ng isang taong ‘kulang-kulang’ para mailabas niya ‘nagwawala’ niyang mga pangarap sa buhay. Sa kabilang banda, ang kanyang kakulangan naman ang pumupuno sa aking kulang-kulang na self-esteem.