Ang milyonaryang ‘street cleaner’

NOONG 1980, si Yu Youzhen ay isang masipag na maybahay na ang hanapbuhay ay magtanim ng gulay sa kanyang sariling bukid sa Hongshan District, Wuhan City sa China. Sa maraming taon na pagsisikap, siya ay nakapagpatayo ng tatlong 5-storey buildings na pawang pinauupahan niya. Noong 2008, ang tatlong building at lote ni Yu, kasama na ang kanyang vegetable farm ay binili ng gobyerno para gamitin sa mga proyekto nito. Ang naging kabayaran ng gobyerno sa mga kinuhang properties ay 21 apartments na pinauupahan sa kasalukuyan ni Yu.

Milyon ang halaga ng kanyang apartments kaya literal siyang milyonarya. Pero hindi kailanman pumasok sa kanyang ulo ang pagiging milyonarya. Ngayong wala na siyang sasakahin at pagtataniman ng gulay, naisip niyang mag-aplay na maging street cleaner  sa kanilang lugar. Wala siyang mataas na pinag-aralan kaya iyon ang angkop na posisyon para sa kanya. Kumikita siya ng 1,420 ($229.63)  yuan kada buwan. Ang pasok niya sa trabaho ay tuwing 3 A.M. May isang araw siyang day off. Mabilis mauubos ang pera niya kung sa kita lang ng apartment sila aasang mag-iina.  Bukod sa gusto niyang maging productive, nais niyang maging good example sa kanyang mga anak. Simple lang ang lagi niyang sinasabi sa kanyang dalawang anak: “Kung hindi kayo magtatrabaho, hindi ko kayo pamamanahan at ibibigay ko na lang sa gobyerno ang aking 21 apartments kapag ako ay namatay.”

Sa kasalukuyan ay may kanya-kanyang trabaho ang dalawa niyang anak. Noong una ay sinasabihan siya ng mga kaibigan: Hindi ka ba nahihiya na ang dami mong pera, pero nagtitiis kang magwalis ng kalsada at maghugas ng mga basurahan? Ang lagi niyang isinasagot: Mas lalong nakakahiya kung kaya ako nagwawalis ay dahil naubos na ang aking pera. Naging inspirasyon si Yu ng mga kababaihan, ang sikat na milyonaryang taga-walis ng kalye.

Show comments