KAILAN kaya mangyayari ang sinabi ni President Noynoy Aquino na mayroon pang wanted criminal na madadakip kasunod ni housing developer Delfin Lee? Noong nakarang Miyerkules, sinabi ng Presidente na isa pang most wanted criminal ang susunod na madadakip at magugulat na lamang daw ang lahat. Kapag daw nahuli na ang wanted marami raw ang bibilib sa kalibre nito.
Nakakapag-isip ang sinabi ng Presidente ukol sa wanted criminal na inaasahang babagsak sa mga alaÂgad ng batas. Hindi niya pinangalanan ang wanted at baka raw makaapekto sa operasyon. Pero ang sinabi niyang marami raw ang bibilib sa kalibre ng madadakip ay palaisipan sa mamamayan.
Hindi kaya si dating army general Jovito Palparan ang tinutukoy ng Presidente? Si Palparan ay nahaharap sa kasong serious illegal detention dahil sa pagkawala ng dalawang UP students. Hindi kaya si dating Dinagat congressman Ruben Ecleo na nahaharap sa kasong pagpatay sa kanyang asawa? Hindi kaya ang magkapatid na Joel at Mario Reyes ng Palawan na sangkot sa pagpatay sa broadcast journalist-environmentalist Gerry Ortega? Hindi kaya ang kapatid ni “pork barrel scam queen†Janet Lim-Napoles na si Reynald Lim ang madadakip?
Sino man sa kanila ang susunod na madadakma, marami ang matutuwa sapagkat matagal nang naghihintay ng hustisya ang mga kaanak ng kanilang nabiktima. Sila ay may kinakaharap na kaso at dapat maiharap sa korte.
Gawin ng mga awtoridad ang lahat nang paraan para madakip ang mga wanted. Ngayong nagbigay na ng paunang salita si P-Noy kaugnay sa fugitives, dapat kumilos sila. Putulin na ang kanilang matagal ng pagtatago.