SI Mauro Prosperi ay isang pulis mula sa Sicily at sanay nang tumakbo sa mga marathon na ginaganap sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ngunit noong 1994, kinaharap niya ang kanyang pinakamatinding pagsubok bilang marathon runner nang maligaw sa Sahara Desert sa kalagitnaan ng event sa Morocco.
Ang nasabing event ay ang Marathon des Sables o “marathon sa disyertoâ€. Sinasabing ito ang pinakamahirap na karera ng pagtakbo sa buong mundo dahil kakailanganin ng mga kasali sa kompetisyon na takbuhin ang Sahara Desert na may layong 250 kilometro. Dahil sa laki ng disyerto, aabot ng pitong araw ang gagawing pagtakbo ng mga manlalaro.
Naging maayos ang simula ni Mauro at nasa pampitong puwesto siya pagdating ng ikaapat na araw ng kompetisyon. Nangyari ang hindi inaasahan nang tumama ang isang sandstorm habang sila ay tumatakbo. Bagama’t patakaran ng kompetisyon na tumigil ang mga manlalaro kapag may sandstorm at maghintay ng tulong, hindi ito sinunod ni Mauro at sa halip ay nagpatuloy sa pagtakbo.
Pagkatapos ng sandstorm, nalaman na lang ni Mauro na malayo na siya sa ruta ng kompetisyon. Sinubukan niyang mag-signal gamit ang kanyang flare gun ngunit sobrang layo na niya sa iba pang tumatakbo kaya walang nakakita sa kanyang ginawang signal. Sinubukan niyang hanapin ang kanyang daan pabalik ngunit sa ikatlong araw ng kanyang pagkawala ay nawalan na siya ng pag-asa. Dahil sa grabeng uhaw at gutom, pinagdesisyunan na lamang niyang kitilin ang kanyang buhay sa pamamagitan ng paglalaslas.
Pero dahil sa pagiging dehydrated, hindi gumana ang paglalaslas ni Mauro dahil masyado nang malapot ang kanyang dugo para ito ay umagos ng tuloy-tuloy mula sa kanyang pulso. Dito siya nabuhayan ng pag-asa para ipagpatuloy ang buhay at ang paglalakbay pabalik. Sa kabutihang palad, may nasalubong siyang isang tribo na nagsabing nasa Algeria na siya at 200 kilometro na ang layo niya mula sa kanyang orihinal na ruta.
Dinala siya ng mga katutubo sa isang kampo ng militar at binigyan siya ng tulong medikal. Nakabalik siya ng Italya kung saan sinalubong siya bilang isang bayani.