KUNG sa Pilipinas ay pampublikong pondo lamang para sa pagpapagawa ng mga kalsada ang ninanakaw, mismong ang kalsada naman ang ninanakaw sa Russia.
Literal na ‘highway robbery’ ang isinagawa ng isang kawatan sa Russia matapos nakawin ang isang kalsada roon. Tinipak nito ang semento.
Humigit-kumulang na 80 tipak ng semento ang nakuha ng magnanakaw sa isang kalye sa Russia na may habang isang milya at nagkokonekta sa bayan ng Parcheg papunta sa Vychegda River sa hilaga ng nasabing bansa. Nagawa ang krimen gamit ang isang ispesyal na bulldozer na kaya ring buhatin ang mga natipak na semento.
Nahuli ng mga pulis ang 40-anyos na salarin mula sa bayan ng Syktyvkar sa Komi Republic sa Russia. Nabawi rin ang mga tipak ng semento na nakakarga sa tatlong truck. Pinara ng mga pulis ang mga truck sa isang lugar na malapit sa pinangyarihan ng krimen. TinataÂyang 200,000 rubles o P250,000 ang halaga ng mga tipak ng semento.
Hindi lang kalsada ang ninanakaw sa Russia kundi pati tulay. Ninakaw ang isang 200-toneladang tulay sa bayan ng Khabarovsk. Nagising na lamang ang mga residente na wala na ang tulay na dinadaanan nila para makatawid ng ilog. Pinira-piraso umano ang tulay sa kalaliman ng gabi. Hindi nahuli ang mga magnanakaw ng tulay. Umabot sa 400,000 rubles o humigit-kumulang P500,000 ang halaga ng mga ninakaw na materyales ng tulay.